TINATAYANG mahigit sa 500 gramo ng hinihinalang shabu at mga powder granules na sangkap sa paggawa ng shabu ang Nasamsam sa isang Nigerian national sa isinagawang buy bust operation sa General Trias City, Cavite Sabado ng umaga.
Kinilala ang dayuhan na si Ebuka Ezike y Valentine, nasa wastong edad, ng Governor’s Hill Subd., Phase-2 Biclatan, General Trias Cavite.
Sa ulat, alas-nuwebe ng umaga nang magsagawa ng buy bust operation ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) IV-A sa Governor’s Hill Subd., Phase 2 Biclatan, na ikinaaresto ng suspek.
Nakuha sa kanya ang tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na mahigit P3 milyon, isang carton box na naglalaman ng isang transparent plastic bag ng powder granules, isang plastic basin na naglalaman ng weighing scale, plastic bag at gunting; laptop, 3 cellphone at 4 IDs.
Nabatid na 3 taon na umanong nagtatrabaho sa Pilipinas ang Nigerian sa Malate base sa ID na nakuha at may alien employment permit siya. (Gene Adsuara)