Mahigit P95,000 na halaga ng shabu ang nasamsam kay Bernardo Tinga, 56, na naaresto sa isinagawang operasyon ng Taguig City Police sa P. Mariano Street sa Barangay Ususan noong Biyernes, Enero 20.
Nakuha rin kay Tinga ang isang kalibre 45 na baril, isang basyo ng 45 cal. magazine, anim na bala ng kalibre 45, at iba pa.
Ang isinagawang raid ng mga tauhan ng Taguig PNP Substation 4 ay sa bisa ng search warrant na inisyu ni Taguig City Regional Trial Court Branch 15-FC Judge Byron G. San Pedro.
“Ang Taguig ay napakalakas ang paninindigan laban sa ilegal na droga. Sa katunayan, mismong si Mayor Lani Cayetano ay may marching order na alisin ang mga ilegal na substances na ito sa ating lungsod. Sinisiguro namin sa publiko na hindi titigil ang Taguig Police hangga’t hindi natin naaabot ang goal natin na ito,” ani Taguig City Police Chief Col. Robert Baesa.
Kinikilala rin ang Taguig Police sa pag-aresto at pagkulong sa mga kilalang miyembro ng Tinga Drug syndicate at iba pang high-value drug personalities sa mga nakalipas na operasyon.
Magugunita na nahatulan ng reclusion perpetua o habang buhay na pagkabilanggo ang miyembro ng Tiñga Drug Syndicate na si Joel Tiñga dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga noong 2016.
Ang isa pang miyembro ng sindikato na si Elisa “Ely” Tinga, asawa ni Noel Tiñga na pinsan ni dating Taguig Mayor Freddie Tiñga, ay pinatawan din ng parehong parusa ng korte noong Pebrero 2017.