Kailangan umanong buo ang loob ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pagtalakay sa Chinese government tungkol sa maritime issues sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang sinabi ni Senador Risa Hontiveros nang matanong kung ano ang dapat gawin para pakinggan ng China ang Pilipinas para matigil na ang maritime operation sa WPS.
“Kailangan magbuo ng loob si presidente, to speak clearly and unequivocally para marinig siya at maintindihan ng Tsina. He cannot say that a compromise has not yet been reached, for example on Ayungin Shoal,” sabi ni Hontiveros sa panayam sa ANC.
Nauna nang sinabi ni Marcos na ang Pilipinas ay bumubuo ng ‘communication mechanism’ sa Beijing kasunod ng ulat ng ginawang pagtataboy ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy sa Ayungin Shoal na bahagi ng exclusive economic zone ng bansa. (Dindo Matining)