Walang balak ang Department of Migrant Workers (DMW) na irekomenda ang deployment ban sa Kuwait matapos ang pagpatay at pagsunog ng 17-anyos na Kuwaiti national sa 35-anyos na Pinay domestic helper.
“Hindi namin nakikita na kailangan ‘yon dahil nakikipagtulungan ang Kuwaiti government sa ating embahada and wala pa ngang 24 oras nasa police custody na ‘yong suspect,” wika ni DMW Secretary Susan ‘Toots’ Ople hinggil sa kaso ng pagpatay kay Jullebee Ranara.
Aniya, inaasikaso na ng ahensiya ang pagpapauwi sa bangkay ni Ranara sa lalong madaling panahon.
Itutulak naman ng DMW ang reporma sa bilateral labor agreements ng Pilipinas at Kuwait.
Noong 2018 ay pinairal ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ban sa Kuwait matapos matuklasan ang bangkay ng Pinay domestic worker Joanna Daniela Demafelis sa freezer. Inalis lamang ang deployment ban noong Pebrero 2020.