Sino raw itong bigating personalidad ang nagpagawa agad ng mamahaling Barong Tagalog matapos mapaulat na bibigyan ito ng magandang puwesto sa gobyerno?
Tsika ng isang Marites kay Mang Teban, nakakawindang ang presyo ng barong dahil nagkakahalaga raw ito ng P50,000.
At kung nagpatahi siya ng limang barong, nagkakahalaga na ito ng P250,000.
Napakamot nga raw ng ulo ang mga panot sa barbero dahil kung hinabing balat ng piña ang ginamit sa barong tagalog ay aabot lamang ito ng P15,000.
Hindi kaya balat ng sibuyas ang ginamit na tela sa barong ng itatalagang opisyal? Noong Disyembre pa raw kasi sinimulan ang pagpapatahi ng barong tagalog kung saan ginto pa ang presyo ng sibuyas sa P700 bawat kilo.
Itong bigating personalidad, kilalang masipag at maaasahan sa trabaho kaya naman bukod sa kasalukuyang posisyon ay binigyan din siya ng maayos na puwesto ng isang malaking kompanya.
Hindi siya rich pero mayaman siya sa koneksyon o ‘asset’ kaya nakakalkal ang mga nakatagong dokumento sa isang sangay ng gobyerno. Tinagurian din siyang huling miyembro ng isa sa apat na sangay ng gobyerno dahil sa lalim ng koneksyon nito kahit sino pa man ang nakaupong hepe.
Matunog daw na gagawing assistant secretary itong bigating personalidad pero wala pang linaw kung saan ipupuwesto ng Palasyo.
Clue. Ang bigating personalidad na ito ay sanay nang makatanggap ng death threat dahil sa paglalantad ng katotohanan sa publiko. Kapangalan niya ang isang sikat na food vlogger.