Sa muling pagbubukas ng ekonomiya at pagbabalik natin sa mga dati nating mga aktibidad bago magpandemya, muling naging isang necessity o pangangailangan ng marami nating kababayan ang paggamit ng sasakyan, at pagpapa-park sa mga private establishment. Ang ilan sa mga establisyamentong ito ay tama lang ang tinatakdang parking fee, at ang iba naman ay sobra na kung maningil.
May mga nagkwento sa atin kamakakailan na nagtaasan nitong nakaraang taon ang mga parking fee sa ilang mga mall at iba pang commercial establishments. Nababahala sila na baka ngayong 2023 ay muli na namang magtaas ng singil ang mga ito at maging labis-labis na ang kailangan nilang bayaran.
Ito ang dahilan kaya ang inyong Kuya Pulong ay naghain ng panukalang batas para maregulasyunan ang mga parking rate na sinisingil ng mga establisyamento. Kasama ko ring nag-file ng panukalang batas na House Bill (HB) No. 5671 sina Benguet Congressman Eric Yap at sina Cong. Edvic Yap at Cong. Jeffrey Soriano ng ACT-CIS Partylist.
Sa aming bill, hindi naman pinagbabawalan ang mga establisyamento na magpataw ng parking fee dahil kailangan din naman nilang mapanatiling maayos at ma-maintain ang paggamit ng kanilang mga parking area.
May desisyon na rin ang Korte Suprema patungkol dito kung saan nakasaad na legal ang paniningil ng parking fee ng mga mall sa mga gumagamit ng kanilang parking area.
Ang desisyong ito ng Mataas na Korte ay tila ba nagbigay daan para naman labis-labis na ang parking rate na pinapataw ng ilang mall sa kanilang mga customer. Sa ilang lugar dito sa Metro Manila ay umaabot ng mahigit P500 ang parking fee na binabayaran ng mga mamimili sa mga mall.
Bukod pa riyan, kahit napakataas na ng singil sa parking ay wala man lang kaseguruhan na maproprotektahan ang iyong sasakyan at mga gamit kapag may disgrasyang nangyari. Ito ay dahil karaniwan ng may “waiver” na nakasaad sa mga parking receipt para iwas-responsibilidad ang mga mall owner kapag may hindi magandang nangyari sa iyong sasakyan.
Marahil ay may ilan na magsasabi na hindi naman sila ‘nakaka-relate’ sa ganitong panukala dahil ‘pangmayaman’ lang ang may kotse. Pero marami sa ating mga kababayan ay mga karaniwang empleyado na may sasakyan din naman. Hindi nila kakayanin pa ang sobrang pagtaas ng singil sa parking lalo’t kung araw-araw silang gagamit ng parking space.
Ang layunin ng bill ay gawing standardized o pantay-pantay ang singil sa parking depende sa establisyamento. Gagawin ring patas ang paniningil. Halimbawa, kung kakain ka naman sa isang restaurant at may maipapakitang patunay, libre na dapat ang parking. Maniningil lang ng hindi hihigit sa P20 kada oras ang restaurant kung lagpas na sa dalawang oras ang pagparada.
Kapag sa mall o iba pang retail establishment, ang nakasaad sa bill ay libre ang parking sa loob ng dalawang oras kung may maipakitang patunay na halagang P1,000 o higit pa ang naipamili ng customer. Kapag lumagpas ng dalawang oras, ang singil ay P20 per hour pero hindi lalagpas ng P100 kada araw, pwera na lang sa overnight parking fee.
Sa mga pribadong opisina o corporate facility, ang maximum parking fee ay P40 sa unang apat na oras, Kapag lumagpas dito ay dagdag na P20 kada oras pero hindi dapat hihigit sa P140 kada araw ang singil.
Ilan lang yan sa mga probisyon na nakasaad sa HB 5671. Ang isa pang mahalagang probisyon ay ang pagkakaroon ng minimum standards sa mga parking facility. Ilan dito ay ang paglalagay ng pedestrian lane at speed bump, pagkakabit ng sapat na bilang ng CCTV camera sa parking area at pagkakaroon ng sapat na security guard para magbantay. Kapag hindi sumunod sa minimum standards ang mga may-ari ng parking area at may nawala o nasira na gamit ng customer, sila ay papanagutin.
Balanse ang mga probisyon sa ilalim ng HB 5671. Pinoproteksyunan nito ang kapakanan ng konsyumer habang kumikita ng tamang halaga ang mga mall owner at iba pang may-ari ng mga parking facility.