Ang Bagong Taon ay sumisimbulo ng panibagong simula o kaya naman ay pagkakataon para sa pagbabago tungo sa ikakabuti ng isang tao o institusyon. Kaya nga marami sa atin ay may tinatawag na New Year’s resolution.
Pero may iilan pa ring hindi na tinatablan ng hiya at patuloy sa pagiging abusado. Kahit may batas nang dapat sundin ay patuloy pa rin sa paglabag at walang konsensyang sinasamantala ang kahinaan ng kanilang kapwa tao.
Isang halimbawa ay ang hindi pagsunod ng ilan sa Anti-Hospital Deposit Law kung saan pinagbabawal ang pagsingil ng deposit o advance payment ng mga ospital o clinic sa mga pasyente na kritikal ang kalagayan o mga emergency cases.
Sa kasalukuyan ay may multang P100,000 hanggang P300,000 o kaya ay pagkakakulong na mula anim na buwan at hindi hihigit sa dalawang taon ang pinapataw sa mga doktor o empleyado ng mga ospital at clinic na sumusuway sa batas na ito.
Kapag naman mga matataas ng opisyal ng clinic o ospital ang napag-alaman ng korte na guilty sa paglabag ng batas, sila ay mumultahan ng mula P500,000 hanggang P1 million at pakukulong ng mula apat hanggang anim na taon.
Sa kabila ng ganitong mga parusa, binabalewala ng ilang ospital at clinic ang mga probisyong ito ng Anti-Hospital Deposit Law at patuloy pa rin ang paniningil ng deposit sa mga pasyente na emergency cases. Paano nga naman ay may mga kababayan tayo na pinagkikibit balikat na lang ito o di kaya naman ay naiisip na malaking abala pa kung magrereklamo sa ganitong tahasang paglabag ng batas.
Ito ang gustong maitama ng inyong Kuya Pulong at nina Benguet Cong. Eric Yap, kasama sina Cong. Jeffrey Soriano at Cong. Edvic Yap na mga kinatawan ng ACT-CIS Partylist.
Bukod sa pagpapataw ng mas mabigat na multa at parusa, kasama sa aming panukalang batas na House Bill (HB) 3046 ang pagtatag ng isang national hotline ng Department of Health (DOH) para madaling maisumbong ang mga ospital at clinic na lumalabag sa Anti-Hospital Deposit Law.
Ang kasalukuyang multa sa mga doktor at hospital employee na lalabag sa batas ay pabibigatin pa at gagawing mula P500,000 hanggang P1 million. Ang parusang pagkakakulong naman ay magiging apat hanggang anim na taon na sa ilalim ng HB 3046.
Kapag naman ang mga matataas na opisyal at namamahala na ng ospital o clinic ang napatunayang lumabag sa batas, ang multa ay mula P2 million at hanggang P5 million na, at ang parusa ay mula anim hanggang 12 na taon.
Bukod pa riyan ang posibleng pagsasampa ng kasong administratibo laban sa mga hospital employee o official na may kaakibat na pagsuspindi o pagtanggal ng kanilang professional license. Kapag naman ang ospital o clinic ay hindi pa rin nagtanda at tatlong beses na ang ginawang paglabag sa Anti-Hospital Deposit Law, pati ang kanilang license to operate ay tatanggalin rin.
Ang gipit o kritikal na kalagayan ng iyong kapwa tao ay hindi dapat gawing oportunidad para umunlad o kumita. Titiyakin natin na sa pagsasabatas ng ating bill, magiging madali na ang pagtukoy at paglantad sa mga ospital at clinic na walang-awang tinataboy ang mga pasyenteng kritikal ang kalagayan sa kadahilanang wala silang perang maipambayad agad.