WebClick Tracer

OPINION

Sampolan

Napabalita kamakailan ang ginawang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Subic kung saan nasabat nila ang tatlong container na naglalaman ng mga smuggled na sibuyas at carrots.

Hindi pipitsugin ang nagtangkang magpuslit ng mga smuggled goods na ito. Mahigit sa P20 million ang tinatayang halaga ng mga carrots at sibuyas na nakumpiska ng BOC. Sa ilalim ng batas, ang smuggling ng agricultural products tulad ng carrot, sibuyas, asukal, mais, pork, poultry, bawang, isda at mga gulay na gaya ng repolyo, cauliflower, broccoli at bok choy ay isang uri ng economic sabotage kung ang nahuling smuggled goods ay mapag-alamang nagkakahalaga ng hindi bababa sa P1 million. Economic sabotage rin kung ang nahuling iligal na naimport ay bigas na nagkakahalaga ng di-bababa sa P10 million.

Kaya naman nanawagan agad ang aking kaibigan at kapwa mambabatas na si Benguet Cong. Eric Yap sa BOC na magsampa ng malalakas na kasong laban sa mga sangkot sa smuggling ng sibuyas at carrots. Ayon pa kay Cong. Eric, dapat ay sampolan ng BOC ang mga ito at mapakulong ng walang piyansa dahil nga naman economic sabotage na ang krimen na kinasasangkutan nila.

Sang-ayon ang inyong Kuya Pulong sa gustong mangyari ni Cong. Eric. Isa sa mga unang inihain naming dalawa na resolusyon ng magbukas ang 19th Congress ay ang House Resolution 108 na kung saan hinimok namin ang Committee on Agriculture and Food ng Kamara de Representante na magsagawa ng imbestigasyon sa patuloy na agricultural smuggling sa bansa.

Nauna ng nag-imbestiga ang Senado sa nakaraang Kongreso tungkol sa agricultural smuggling . Pero sa kabila nito at ang batas na nagpapataw ng mabibigat na parusa laban sa smuggling ng agricultural products, tila ba nananatiling walang takot ang mga sangkot dito.

Dapat ay buksan muli ng Kamara ang imbestigasyon patungkol sa agri smuggling. Alam ‘nyo po bang ang Department of Agriculture (DA) na mismo ang nagpahayag na sa kanilang tantya ay P667 million ang halaga ng naipuslit na smuggled agri-fisheries products mula 2019 at 2022? Sa malaking halagang ito, P10 million lang ang nahuli ng mga awtoridad mula 2019 hanggang 2020.

Palagay ko ay maliit pa nga ang ginawang estimate ng DA. Ayon sa BOC, simula 2019 ay 542 seizure cases na ang sinampa ng ahensya laban sa mga importer at customs broker para makumpiska ang hinihinalang mga smuggled agricultural products na nagkakahalaga ng halos P2 billion.

Napakalaking dagok ito para sa ating mga magsasaka. Paano naman uunlad ang kanilang estado sa buhay kung sa halip na mabili sa magandang halaga ang kanilang mga ani ay napipilitan silang ibenta ito ng palugi dahil ang kakumpetensiya nila ay mga murang smuggled products. Mura dahil hindi naman nagbayad ng buwis ang mga smuggler na nasa likod ng iligal na importasyon ng mga produktong ito.

Maari ring maging panganib sa kalusugan ang smuggled agricultural products dahil hindi naman sila dumaan sa tamang proseso at monitoring para matiyak na fit for human consumption o ligtas na kainin ang mga ito.

Isa pang malaki ang lugi ay ang gobyerno dahil hindi nakakalolekta ng buwis na maari sanang magamit para madagdagan ang panggastos sa mga programa para sa pagpapaunlad ng buhay ng ating mga magsasaka at maggugulay.

Kaya naman suportado ko ang panukalang batas ni Cong. Eric na House Bill 319 kung saan mas pinabigat pa ang parusa laban sa agricultural smuggling.

Habang buhay na pagkakakulong at pagpataw ng fine na doble sa halaga ng nahuling smuggled products, bukod pa sa pagbabayad ng tamang buwis ang parusa sa ilalim ng Republic Act 10845 kung saan nakasaad na economic sabotage ang malakihang smuggling ng agricultural products.

Sa bill ni Cong. Eric, papatawan pa ng interes ang babayarang buwis at iba pang dapat singilin ng gobyerno laban sa smuggler nang sa gayon ay maturuan ng matinding leksyon na bubutas sa bulsa ng mga walanghiyang ito.

Alam naman nating hindi madali ang magsampa ng kaso at mapanalo ito ng BOC dahil tiyak na mga abogado de-kampanilya ang kukuning mga tagapagtanggol ng mga walang konsensyang smuggler. Pero kung malinis, maayos at matatag ang ebidensya, malaki ang tsansang may masampolan at maitapon sa kulungan na big-time smuggler ng mga gulay at iba pang agricultural products.

Related News

TELETABLOID

Follow Abante News on