Madadagdagan ng P25.2 bilyon ang koleksyon ng buwis ng pamahalaan pag naging batas ang House Bill No. 4339 na sumasalamin sa Package 4 ng Comprehensive Tax Reform Program ng Department of Finance (DOF) na magpapataw na rin ng excise tax sa mga pickup truck.
Ayon sa DOF, tatanggalin nito ang exemption sa excise tax ng mga bibilhing pickup at tax exemptions at iba pang preferential tax treatment para mapadami pa ang koleksyon ng pamahalaan.
Bukod sa pagpapataw ng excise tax sa pickup trucks, papatawan din nito ng final tax na 20% ang interes na kinikita ng mga dollar at iba pang foreign currency deposits sa bansa, pati na ang kinikita ng mga deposit substitutes, trust funds, at iba pa.
Sabi ng DOF, pasisimplehin ng panukalang batas ang pagbubuwis sa passive income tulad ng mga kinikitang interes sa deposito sa mga bangko, dibidendo ng mga kompanya, at iba pang natutulad na investments.
Gagawin na ring pareho ang buwis sa premium ng mga pre-need, pension, life insurance at health maintenance organizations na 2% at 5% na gross receipts tax ang ipapataw sa mga bangko at nonbank financial intermediaries.
Sabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno, gagawin ng panukalang batas na kapareho ang sistema ng pagbubuwis ng Pilipinas sa mga karatig bansa sa South East Asia. (Eileen Mencias)