Bumaba ang unemployment rate sa bansa sa 4.5% nitong Oktubre, pinakamababa mula 2019, sabi ni Philippine Statistics Authority Undersecretary Dennis Mapa kahapon.
Sabi ni Mapa, ang unemployment rate na 4.5% ay ang pinakamababa mula 2019. Bago noon, 2005 huling nagtala ang Pilipinas ng pinakamababa nitong unemployment rate na 4.5%.
Ang unemployment rate ay ang dami ng manggagawang naghahanap ng trabaho kung titignan ang kabuuan ng lahat ng mga manggagawa.
Bumaba ang unemployment rate kahit pa nabawasan ng 285,000 ang mga taong may trabaho kumpara sa Hulyo 2022 dahil nabawasan din ang dami ng unemployed ng 361,000.
Paliwanag ni Mapa, ito ay dahil sa mga manggagawang edad 15-24 na bumalik sa pag-aaral o training. Aniya, wala pang pasok sa mga paaralan noong Hulyo kaya may kabataang naghanap ng trabaho.
Ayon kay Mapa, nasa 2.24 milyon mga Pinoy ang walang trabaho, mas kaunti kesa sa 2.6 milyon noong Hulyo 2022 ngunit nabawasan ang dami ng may trabaho sa 57.11 milyon noong Oktubre mula sa 47.39 milyon noong Hulyo.
Sabi ni Mapa, pinakamataas ang unemployment rate sa Western Visayas na nasa 5.8% at pinakamababa naman ito sa Zamboanga peninsula na nasa 2%. (Eileen Mencias)