Iminungkahi ni Cong. Rodante Marcoleta sa Department of Science and Technology (DOST) na mag-imbento ng pildoras o tableta na kapag ininom umano ng mahihirap ay mabubusog na ang mga ito kahit dalawang linggong hindi kumain.
Sinabi ito ni Marcoleta sa pagsalang ni Renato Solidum Jr. sa Commission on Appointments panel para sa approval ng kanyang appointment bilang DOST secretary.
Tinanong ni Marcoleta si Solidum kung ano ang kinakain ng mga astronaut dahil baka aniya puwedeng ibigay sa mga mahihirap kung pildoras iyon na makakabusog na ng maraming araw at buwan.
“They spend days even months [mga astronaut] without cooking their food kasi hindi naman sila puwedeng magluto doon sa kanilang spaceship,” ani Marcoleta.
“Kung sakali pong makaimbento tayo nong kinakain nila [mga astronaut] ibibigay ko po sa mahihirap na kababayan natin, even for months hindi sila kakain, hindi sila mamamatay eh. Mayroon po ba tayong ganon? Makakagawa po ba tayo ng ganon?” dagdag niya kay Solidum.
Patuloy pa niya, “Kung sakali pong matulungan natin na poorest of the poor… naimbento po ninyo ‘yong pildoras or whatever… kapag ininom po ng mahirap, ‘yong two weeks lang Mr. Secretary, na hindi siya bumili ng pagkain, hindi siya nagluto, ang laking bagay na po non,” aniya pa.
Saad naman ni Solidum, sa ngayon, mayroon lamang ang Pilipinas na mga ready to eat meal para sa mga disaster victim pero titingnan daw nila ang mungkahing ito ni Marcoleta.
“Sana po makaimbento talaga tayo ng ganon. Kailangan na kailangan po natin,” dagdag hirit pa ng kongresista. (Issa Santiago)