Kamakailan ay nanawagan ang inyong Kuya Pulong na huwag ng patagalin pa ang pagpapatupad ng batas na magbubuo sa Metropolitan Davao Development Authority (MDDA). Ang MDDA ay siyang magtitiyak na magiging maayos, organisado at magkakatugma ang mga plano ng Davao City at mga karatig lungsod at bayan nito.
Napakabilis ng pag-unlad ng Davao City at ng mga kasamang lugar nito sa ilalim ng Republic Act 11708 na siyang lumilikha sa MDDA.
Bukod sa Davao City, sakop rin ng MDDA ang mga lungsod ng Panabo, Tagum, at Island Garden City of Samal sa Davao del Norte; ang Digos sa Davao del Sur; at Mati sa Davao Oriental.
Kasama rin ang mga bayan ng Sta. Cruz, Hagonoy, Padada, Malalag, at Sulop sa Davao del Sur, Carmen sa Davao del Norte, Maco sa Davao de Oro, at Malita at Sta Maria sa Davao Occidental.
Ang mga lungsod at bayan na ito ang bubuo sa Metropolitan Davao.
Tulad ng nauna ko ng nasabi, maiiwasan ang pagiging magulo at padalos-dalos na pagpapatupad ng mga programa at proyekto sa Metro Davao kung may MDDA na mamamahala dito. Magiging maayos at epektibo rin ang mga solusyon sa mga problema sa transportasyon, pagbaha, solid waste disposal, supply sa tubig at kuryente, pabahay at iba pang mga karaniwang suliranin ng mga urbanisadong komunidad.
Makikita naman kung ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng MDDA kung titingnan ang mga problemang kinakaharap ngayon ng Metro Manila. Kung ikukumpara, ang Metro Davao ay pitong beses ang laki sa Metro Manila at mas malaki pa na di-hamak sa Hongkong at Singapore.
Mabilis rin ang pag-asenso ng ekonomiya ng Metro Davao at makikita naman yan kung kayo ay bibisita sa Davao City at mga karatig lugar nito. Kailangang maipatupad na at mapatakbo ang MDDA para mapanatili ang ganitong mabilis na pag-asenso ng Metro Davao at makaakit pa ng maraming investments at turista.
Kung maipapatupad na ang MDDA, maari itong magsilbing modelo sa iba pang mga lugar sa labas ng Metro Manila na ang hangad ay maging mga economic growth centers rin ng bansa.
***
Sasamantalahin ko na ang pagkakataong ito para batiin ang mga nanalo sa 10th Pulong Duterte Taekwondo Championship na ginanap kamakailan sa Davao City.
Sila ang RCG Strikers Tagum na tinanghal na overall champion, ang RCG Kaizen na first runner-up, ang RCG Matanao na second runner-up at ang Hwarang na third runner-up.
Ang Pulong Duterte Taekwondo Championship ay nagsisilbing preparasyon at tune-up ng mga taekwondo athletes sa Mindanao na nagpaplanong sumali sa mga national at international competitions.
Nagpapasalamat din tayo kay Coach Johnny Kim na siyang nag-oorganize ng kumpetisyong ito taon-taon. Nakakatuwang malaman na ngayong taon, ang pinakabatang sumali sa tournament ay 3 years old lamang. Ang pinakamatanda naman ay 30 years old.
Isa pang pinagpapasalamat ko kay Coach Johnny ay ang pagte-train nya sa akin sa sport ng taekwondo noong bata pa ako. Tulad ng nasabi ni Coach Johnny, malaking bahagi ang taekwondo sa pagkakaroon ko ng matatag na karakter at disiplina sa sarili.
Mabuting makahiligan ng mga kabataan ang taekwondo, hindi lamang para matutong depensahan ang sarili at manatiling malusog ang pangangatawan. Bawat kilos sa taekwondo ay kailangan ng matinding disiplina para ma-master ito kaya’t magandang sport na matutunan ng ating mga anak para mahubog ang kanilang mental discipline, pagiging matiyaga at hindi pagsuko sa harap ng pagsubok.