Ni Nancy Carvajal
(Part 1)
Isiniwalat ng isang Pinay drug mule sa eksklusibong panayam ng Abante ang paraan ng pagre-recruit at galawan bilang galamay ng West African Drug Syndicate (WADS).
Pag-amin ni ‘Violet’, hindi niya tunay na pangalan, ilang beses niyang nagawang makalabas-pasok at malusutan ang security sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang hindi nade-detect na may lamang shabu ang maleta na ibinigay sa kanya ng sindikato.
“Huling biyahe ko nitong October, bumiyahe ako galing Malaysia papuntang Terminal 3. Dala ko ‘yong maleta na may lamang shabu nang hindi nade-detect ng machine ang ng sniffing dogs” paglalahad ni alyas Violet.
Ayon pa sa 45-anyos na ginang, sa kanyang mga biyahe bilang drug mule ay inilagay umano ng sindikato ang ilegal na droga sa gilid at false bottom ng hard suitcase na nakabalot din.
Bilang patunay, ipinakita niya sa Abante ang kanyang passport na may tatak ng pag-alis niya noong October 14 at bumalik siya nitong October 27.
Aniya, tila isang normal na pasahero lamang siya nang kunin niya ang kanyang maleta sa conveyor at lumabas sa airport.
Dagdag pa niya, sa mga unang taon ng kanyang pagiging taga-deliver ng droga, nagawa niyang makapasok sa local airport nang hindi nade-detect ang dala niyang ilegal na droga.
“Noong time na ‘yon sa Terminal 3, hindi po (nakita sa X-ray), kahit nga sa sniffing dogs — hindi na-detect ng aso,” sabi pa ni Violet na bumiyahe umano noon sa Malaysia na aniya’y kinokonsidera nila bilang base ng sindikato.
Dagdag pa niya, matapos makalabas sa airport habang dala ang ilegal na droga, nag-check in siya sa malapit na hotel matapos bigyan ng instruction na dalhin ang kontrabando sa Zamboanga City.
Isa pa umanong drug mule ang lumapit sa kanya para ibigay naman ang ticket at perang panggastos. Sa sumunod na araw, dumaan siya muli sa proseso sa airport tulad ng pag-check in ng bagahe bago lumipad patungo sa kanyang destinasyon.
Paglapag sa Zamboanga, kinuha lang umano niya ang maleta saka inabot sa isang African national bago muling lumipad pabalik ng Maynila.
Dahil sa madalas niyang pagbiyahe bilang drug mule, lumakas ang loob ni Violet para ipagpatuloy ang pagde-deliver ng droga para sa WADS, sa loob ng Pilipinas at sa iba’t ibang bansa sa Asya, Africa at maging sa Europe.
Ibinahagi ni Violet na noon, sa kanyang bawat biyahe ay kumikita siya ng US $1,500 dagdag pa ang panggastos. “Ngayon ang minimum $3,000 plus expenses,” sabi pa niya.
Nang tanungin naman kung may alagad ba ng batas o airport personnel ang nakipagsabwatan sa sindikato, sinabi niyang wala rito sa Pilipinas kundi sa ibang bansa na kanyang napuntahan partikular sa isang bansa sa Africa kung saan ineskortan pa siya ng isang pulis doon.
Ang pulis umanong ito ang nag-check mismo ng kanyang maleta na may lamang droga at siniguro na walang sisita sa kanya hanggang makaalis ang kanyang eroplano.
Bagama’t lagi silang bumabiyahe mag-isa, ibinahagi rin ni Violet na may ilang pagkakataon na may dalawa o tatlo silang nasa flight. Kahit hindi sila ipinakilala sa isa’t isa, nalalaman na lang umano nila na pareho ang kanilang misyon dahil sa destinasyon na kanilang pupuntahan.
Sabi pa ni Violet, kahit pa sa bawat biyahe niya ay buhay ang kapalit, walang pumilit sa kanya na maging drug courier, ang rason umano ng WADS: laging may ibang Pinay ang gagawa rin nito para sa pera.
Sa susunod na bahagi, abangan kung paano sila inihahanda sa mga tanong ng Immigration officer at kanilang preparasyon para magmukhang turistang nasa bakasyon.