Umapela si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa bicameral conference committee na bubuo ng pinal na bersyon ng panukalang P5.268 trilyong budget para sa susunod na taon na gamitin na lamang sa ayuda ang P9.3 bilyong confidential and intelligence funds (CIF).
Ayon kay Castro, kung gagamitin ang CIF sa panukalang P10,000 one-time financial assistance at 930,000 pamilya o nasa 4.6 milyong mahihirap na Pilipino ang matutulungan nito.
“Sa halip na mapunta pa sa mga proyekto o gawain na ‘di naman pinapakita sa publiko na paano nila ginastos ang bilyong-bilyong pondong galing sa taumbayan ay gawin na lang ayuda ang CIF. Pati mga ahensyang wala namang kinalaman sa intelligence gathe¬ring o surveillance ay binigyan nito at ang sa presidente nga ay umaabot sa P4.5 bilyon na,” sabi ni Castro.
Dagdag ni Castro na ang P152 milyon na inilipat ng Senado mula sa CIF ay isang magandang simula subalit kulang pa.
Nagsimula na ang bicameral conference committee na talakayin ang mga pagkakaiba sa bersyo¬n na ipinasa ng Kamara at Senado. Target na maratipika ang panukala bago magsimula ang Christmas break sa Disyembre 17. (Billy Begas)