Pinag-aaralan na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang posibilidad na bigyan ng executive clemency ang mga persons deprived of liberty (PDLs) na nasa edad 70 pataas.
Ayon kay BuCor officer-in-charge General Gregorio Catapang Jr., ang naturang hakbang ay pinayagan sa termino ni dating Pangulo President Gloria Macapagal-Arroyo.
“Under the law daw, panahon ni President GMA, may batas siya o executive order na inisyu na lahat ng 70 years old up ay [bigyan] na ng parole o palayain na kahit papa’no kasi sabi nila, 70 years old, hindi na makakaisip ‘yan gumawa ng krimen,” ani Catapang.
Una nang sinabi ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Mico Clavano na prayoridad ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang mga hakbang kung papaano mapapaluwag ang mga kulungan.
Nalaman sa BuCor na 300% na masikip ang New Bilibid Prison (NBP) kaya binalak ni Remulla na ilipat ang mga PDLs sa maximum security sa Sablayan Prison sa Occidental Mindoro.
Habang ang mga PDLs sa minimum security ay mailipat sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
Ayon kay Catapang, mahigit 1,500 PDLs ang maillipat sa pasilidad sa Fort Magsaysay.
Gayunman, ang mga PDLs na na-convict sa heinous crime o iligal na droga o kinlasipika ng BuCor bilang high risk ay hindi kuwalipikado sa executive clemency. (Juliet de Loza-Cudia)