Prayoridad ng Marikina local government unit (LGU) na isama sa informal settler families ang mga pulis, guro at iba pang middle class families na makikinabang sa itatayong high-rise socialized housing project o condominium na matatagpuan sa Barangay Nangka.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, hindi lahat guro o pulis ay may sariling bahay, marami rin umano ang nangungupahan pa o nakikitira sa mga pamilya kaya sa planong pabahay ng Marikina LGU ay nais na isama ang mga middle class na pamilya na magkaroon ng sariling bahay na kung saan ay magiging komportable na sila sa sariling tahanan at kaya nilang hulugan ng buwanang upa na kalaunan ay magiging kanila na.
Nakatakdang simulan ang konstruksyon ng seven-hectare lot high-rise condominiums sa susunod na taon na matatagpuan sa Barangay Nangka, Marikina City.
Maganda ang lugar at kombinyente sa mga titira dahil kalapit ito ng Twinville Subdivision at Fairlane Subdivision na tinitiyak na maayos, ligtas at tahimik ang lugar.
Nilinaw ni Mayor Teodoro na ika-categorized nila ang mga informal settlers na may regular na trabaho at sa mga may pansamantalang trabaho na pamilya na maaaring mabenepisyuhan ng pabahay.
“That’s what I asked them how we can include the informal settler families. Some of them have jobs but not formal such as market vendors and tricycle drivers,” ayon kay Teodoro.
Nakatakdang makipagpulong si Mayor Teodoro sa national government para isangguni ang kanilang proposal kaugnay sa usaping informal settlers na bahagi ng programa ng Pangulong Ferdinang Marcos na Pambansang Pabahay ng Pangulo. (Vick Aquino)