WebClick Tracer

Sunday, November 27, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Batang chess prodigy mula sa Bicol

Magandang araw muli, mga kababayan kong Bicolano! Muli pong nabigyan ng karangalan ang Bicol Region matapos tanghaling kampeon ang ating kababayang si Bince Rafael Operiano sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championship na ginanap noong November 4-13, 2022 sa Bangkok, Thailand.

Makapanindig balahibo ang naging tagumpay ni Operiano dahil mula sa pagkatalo sa unang araw ay hindi siya pinanghinaan ng loob. Bagkus, lalo siyang nagpursige upang maikamada ang sunod-sunod na panalo tungo sa kampeonato.

Ang 9-anyos na si Bince Operiano ay tubong Barangay Busac, Oas, Albay. Siya po ay Grade 3 pupil sa San Isidro Elementary School. Natuto siyang maglaro ng chess noong siya’y lima o anim na taong gulang pa lamang dahil ang kanyang amang security guard na si Ben Operiano ay mahilig maglaro ng chess.

Dahil sa angking husay at galing, sinanay si Bince ng full-time chess coach na si Archie Haig ng Naga City mula noong Abril 2021.

Noong Setyembre, nanguna siya sa Boys under 9 category ng National Youth and Schools Chess Championship sa Zamboanga del Sur. Dahil sa panalong iyon, siya ang naging kinatawan ng Pilipinas sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championships.

Ang inyong lingkod at ang kasamahan nating si Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo Bongalon ay kasama sa mga nagbigay ng tulong pinansiyal upang mapaghandaan ni Bince ang Bangkok tournament.

Sa kanyang murang edad, ipinakita ni Bince ang kanyang husay sa larong ahedres. Dahil sa ilang ulit niyang pagwawagi sa mga kompetisyon sa Pilipinas, itinuturing siya bilang isa sa pinakabatang chess prodigy sa bansa.

Ang kanyang determinasyon at pagtitiyaga sa napiling larangan ay dapat pamarisan ng marami nating kababayan lalo pa’t nagdala siya ng karangalan hindi lang sa Bicol Region kundi sa buong bansa. Magsilbi sana siyang inspirasyon sa ating mga kababayan lalo na sa mga nangangarap na maging mahusay na chess player sa bansa.

Bilang pagkilala sa kanyang tagumpay, ang inyong lingkod at kasamahan nating si Cong. Bongalon ay naghain ng resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang gawaran ng komendasyon si Bince sa pagwawagi niya sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championships.

Ating binanggit sa resolusyon na marapat lamang papurihan at suportahan ang batang chess prodigy lalo pa’t nakasaad sa Section 19, Article XIV ng 1987 Constitution na dapat isulong ng Estado ang physical education at sports program, kabilang na ang training para sa international competition ng ating mga manlalaro. Salamat sa ibinigay mong karangalan sa bansa, Bince!

Samantala, mula sa buong pwersa ng Ako Bicol Party-list, binabati po natin ng isang maligayang kaarawan si House Speaker Martin Romualdez na nagdiwang ng kanyang birthday noong Nobyembre 14.

Ang kanyang malasakit sa ating mga kababayan ay hindi mapapantayan. Isa siyang lider na maaasahan. Binibigyang direksyon niya ang 19th Congress sa pagsusulong at pagpapapasa ng mga mahahalagang batas para sa mabilis na pagbangon ng bansa.

Tunay rin po siyang katabang sa ano mang sakuna at kalamidad at huwaran sa pagseserbisyo sa bayan.

Ang walang patid na paglilingkod ni Speaker Romualdez ay sumasalamin sa walang patid ding paglilingkod ng Mababang Kapulungan sa taumbayan.

Muli, binabati natin si Speaker Romualdez sa kanyang nagdaang kaarawan. Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on