WebClick Tracer

Monday, November 28, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
NEWS

Suspek sa Percy Lapid slay namukhaan

Inilabas kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang larawan ng isa sa mga suspek na pumatay sa beteranong brodkaster na si Percival Mabasa na mas kilala bilang ‘Percy Lapid’.

Sa isang press conference, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na nahagip ng CCTV camera ang sinasabing person of interest nang madaanan ito ni Mabasa bago nangyari ang krimen.

Nakasuot ito ng puting t-shirt, pink jacket, maong na short pants at puting sandals nang mangyari ang pamamaril. Nahagip ang gunman sa mga kuha ng CCTV sa lugar at dashboard camera sa kotse ni Mabasa.

Kitang-kita sa CCTV na naglalakad ang suspek sa kanto malapit sa Las Piñas City Hall ilang minuto bago lumabas ang itim na Toyota Innova ni Mabasa. Nang makitang lumabas ang sasakyan ng broadcaster, sinundan ito ng gunman hanggang makarating malapit sa gate ng BF Resort at doon na pinaputukan ng ilang beses ang biktima.
Ayon kay Abalos, mas mabuting sumuko na ito dahil marami na ang nakakakilala at magsusumbong sa pulisya para makuha ang alok na P1.5 milyon bilang pabuya.

Galing kay Abalos ang huling P500,000 samantalang ibinigay naman ni Atty. Alex Lopez, anak ni dating Manila Mayor Mel Lopez at kumandidatong alkalde sa Maynila noong Mayo, ang P1 milyon na reward.
Aminado si Lopez na isa sa huling binanatan ni Mabasa ang isyu sa Non-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Maynila na mariin niyang binabatikos pero agad niyang idiniin na naniniwala siyang walang kinalaman ang mga opisyal ng Maynila sa sinapit ni Mabasa.

Samantala, sinabi ni Southern Police District (SPD) director Col. Kirby John B.Kraft na dumarami na ang hawak nilang ebidensya sa kaso. Tinutukoy pa rin anila nila ang motibo sa krimen.

Nanawagan naman si Col. Restituto Arcangel, commander ng special investigation task group (SITG) na tumututok sa kaso, sa sinumang makapagbibigay pa ng impormasyon sa suspek na nasa larawan na makipag-ugnayan sa Las Piñas City Police sa mga numerong: 0947-462-2859, 09985987928, 8808-7935 at gagarantiyahan aniya nila na magiging confidential ang pagkakakilanlan nila para sa kanilang seguridad.

Matatandaang binaril at napatay si Mabasa, 63-anyos, ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo habang papauwi ito sa kanilang bahay sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City noong Oktubre 3 bandang alas-8:30 ng gabi. (Kiko Cueto, Betchai Julian)

This breaking news is brought to you by:

Una sa Balita

Popular sa ABANTE

TELETABLOID

Follow Abante News on