WebClick Tracer

Thursday, December 1, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
LIFESTYLE

LP papadyak na lang?

Noong Huwebes ay nagpulong ang PDP-Laban, kinabukasan, Biyernes naman ay LP.

Ang mga ito ay ang magkakasunod na pagpupulong, isang araw lamang ang pagitan, ng dalawang partido politikal na parehong nabigo na masungkit ang puwesto sa pagkapangulo noong nakaraang halalan, kung ang kanilang orihinal na pagtatangka ang pagbabatayan.

Parehong nabigo dahil pareho silang nawalan ng kandidato sa pagkapangulo makaraang ideklara ni dating VP Leni Robredo sa gitna ng paghahanda sa laban na siya ay magiging independent samantalang sa kabilang panig, kung ang PDP ni dating DOE Secretary Al Cusi ang titingnan, hindi sila nakapili ng standard bearer hanggang sa dumating ang eleksiyon at dumating na nga lang sa puntong nakipag-alyansa na sa ibang kandidato.

Sa pagpupulong ng PDP-Laban na ginawa sa lunsod ng Pasay, kampanteng ipinahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumatayong kasalukuyang chairman ng partido na muli na silang mag-uumpisa sa pag-organisa bilang paghahanda sa darating na halalan.

Sa nakitang bilang ng mga dumalo, maganda aniya ang magiging kalagayan ng partido sa darating na halalan.

Ang tumatayong presidente ng partido ay si Palawan Congressman Pepito Alvarez.

Halos ganito rin ang aktibidad na ginawa ng kabilang panig dahil nagluklok na rin sila ng bagong presidente sa katauhan ni Albay Congressman Edcel Lagman kapalit ng dating presidente na si ex-senator Francis Pangilinan na ngayon ay chairman na.

Nakakapagtaka lang na sa kanyang opening speech ay walang nabanggit na Bam Aquino at Leni Robredo si Pangilinan.
Ito ba ay nangangahulugan na sinipa ng LP ang dalawa?

Ano na ang magiging base nina Robredo at Bam kung tutuloy sila sa napapabalitang pagtakbo sa senatorial elections sa 2025?

Alam naman kasi ng lahat na bagama’t umalis si Robredo sa LP ay ang puwersa pa rin ng partido ang tumukod sa kanya hanggang sa dulo ng laban noong nakaraang halalan.

Sa panig naman ni Bam ay hindi ko na masabi dahil sa makabagong panahon ay isang Aquino lamang ang natatandaan kong gumuhit sa kasaysayan at ito ay walang iba kundi ang namayapang si Pnoy.

Kung hindi maitotono ng bagong pamunuan ng LP ang kanilang hanay, hindi malayong mauwi sa katotohanan ang naging political gimmick ni ex-senator Mar Roxas dati na pagmaneho ng padyak (tri-bike).

Halos wala na silang impluwensiya sa dalawang kapulungan ng Kongreso lalong lalo na sa Palasyo dahil wala naman talagang ginawa ang kanilang hanay noong nakaraang kampanya kundi i-operate ang nakaupo ngayon.

At kung wala nang impluwensiya, sino pang politiko sa mas mababang lebel ang gaganahang sumapi sa kanilang partido?
Hindi kaya umabot ang panahon na puwede nang magkasya sa isang tri-bike na lang ang miyembro ng LP gaya ng minaneho ni Roxas?

Hindi imposible yan dahil yan ay nangyari na rin dati sa PDP-Laban at nakapagsabi pa nga si dating VP Jojo Binay na “noon dalawa na lamang kami ni Nene Pimentel na naiwan eh.”

Maagang girian ito para sa eleksiyon na sa 2025 pa magaganap pero isa lang sigurado ko sa nakaraang dalawang magkasunod na pagpupulong, mas masarap ang pagkain sa PDP-Laban.

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on