WebClick Tracer

Wednesday, December 7, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Walang-wala

Hindi lang basta wala. Walang-wala. Ubos na ubos. Simot. Walang natira. Madalas nating ginagamit ang ‘walang-wala’ upang ilarawan ang kalagayan ng isang tao pagdating sa kakayahang pampinansiyal at ekonomiko.

Walang-wala kaya nangutang para may ipambili ng pangangailangan. Walang-wala kaya humihingi ng tulong. ‘Walang-wala din ako ngayon,’ sasabihin naman ng nilapitan. Kaya maghahanap ang ating kakilalang ‘walang-wala’ ng kung sinong mayroon (o binabaybay at binibigakas din bilang ‘meron).

‘Meron ka ba diyan?’ itatanong sa inaakala niyang mayroon. Kung mayroon, ipauutang o ibibigay sa walang-wala upang kahit papaano ay magkaroon ng pambili para sa pangangailangan.

Ang meron at walang-walang ang mga mukha ng kabuhayan sa ating bansa. Maraming walang-wala, pero ang mas dapat pagtuunan ay ang mga mayroon, kung handa ba silang magbahagi sa walang-wala.

Hindi madaling sabihing walang-wala ka. Pag-amin ito, talagang ibinibunyag ang sarili na wala kang kakayahan. Kapag sinabi mong walang-wala ka, malaki ang tsansang paniwalaan ka kaagad. Lalo’t madali namang makita, o mapatunayan, na walang-wala ka nga: hindi makakain, pinaalis sa inuupahan, walang trabaho, huminto sa pag-aaral. Walang-wala para maipagpatuloy o matugunan ang batayang pangangailangan.

Kapag umamin sa iyo ang isang tao na walang-wala siya, ang ibig sabihin, palagay niya ay mayroon kang maipantutulong upang mapunan ang kanihyang kawalan. Mayroon ka. At kung hindi man direktang sabihin sa iyo, ipinapahiwatig na kailangan niya ng tulong. Kaugnay ng salitang ‘wala’ ang susunod kong paksa: ang salitang ‘pagwawala’.

Ano ba ang nawawala sa isang tao na nagwawala? Kaiba sa walang-wala, sa isang tao na nagwawala, ipinagpapalagay natin—oo, tayo na nakakasaksi sa pagwawala—na inuubos na niya ang kaniyang dignidad sa kaniyang pagwawala. Kaya nagwawala.

Nagwawala ang isang lasing. Nagwawala ang isang nasukol na suspek. Nagwawala ang isang galit na kabiyak nang matuklasan ang pagtataksil ng asawa.

Sa mga nagwawalang tao na ito, hindi na nila alintana kung ano ang sasabihin ng iba. Kasi nga, bahagi pa rin ng ating kultura ang pagpapakita ng ating mabuting bahagi sa kapwa. Sa nagwawala, wala na silang pakialam sa sasabihin ng iba basta masunod ang primal na damdamin gaya ng galit, sobrang kasiyahan, labis na kalungkutan.

Wala nang pakialam sa tingin ng ibang tao. At ayos lang ito lalo’t hindi mo naman sila inaagrabyado. Umiyak ka sa publiko, magtatalon ka sa kasiyahan. Sumigaw, magsasayaw. Ayos lang lahat ito basta wala kang nasasagkaang karapatan ng iba.

Ang masama, sa kalasingan halimbawa, nagwawala ka at naghahamon ng away sa kahit sinong makita mo sa daan. Huhulihin ka. Suwerte kung wala kang nasaktano hindi ka nasaktan, mas masuwerte kung hindi ka kakasuhan.

Kung sa sobrang kasiyahan naman, nagwawala ka sa loob ng sarili mong pamamahay, walang naiistorbo sa iyong pagsigaw, hindi ka nasugatan sa nabasag mong gamit, sige lang, karapatan mong magpahayag ng damdamin na sa tingin man ng iba, pagwawala. Ang mahalaga, wala kang winalawalang-hiya.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on