WebClick Tracer

Thursday, September 29, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

Mga balikbayan box yari sa budol delivery

Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko lalo na sa mga overseas Filipino worker (OFW) na huwag magpabudol sa mga courier delivery service na nag-aalok ng mababang bayad pero pagdating sa bansa ay inaabandona lamang sa ahensiya.

Dahil dito, libu-libong balikbayan box ang nakatengga umano sa BOC.

Nabatid na nakikipag-ugnayan na ang BOC sa Department of Migrant Workers (DMW) para kasuhan ang mga courier delivery service na nag-abandona sa libu-libong balikbayan box sa kanilang tanggapan.

Ayon kay BOC Administrative Office Director Michael Fermin, galing ang mga balikbayan box mula sa mga OFW sa Middle East.

Sa ngayon aniya, pito mula sa 26 container van ang naipadala na ng Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) sa mga intended recepient nito. Sisimulan naman ang proseso para sa pagpapadala ng tatlong iba pa sa Setyembre 30.

Nag-post din sa Facebook ang BOC para abisuhan ang publiko lalo na ang mga OFW na maging mapanuri at maingat laban sa mga modus sa balikbayan box.

“May mga consolidator o international freight forwarded sa ibang bansa na naniningil ng processing fee sa murang halaga at nangangakong i-dedeliver ang mga balikbayan box sa mga ultimate consignee nito sa Pilipinas,” sabi ng BOC.

“Ngunit sa katunayan, walang natatanggap na pondo ang kanilang partners na deconsolidators o local freight forwarders dito sa Pilipinas para maproseso at mailabas mula sa BOC ang nasabing mga balikbayan box,” dagdag pa ng ahensiya.