WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Huli na ba ang lahat?

Madalas nating naririnig na nauulit ang kasaysayan. Maraming bersyon ang mensaheng ito, kabilang ang kay Winston Churchill, Prime Minister ng United Kingdom nuong World War II, na sinabi na ang hindi natututo sa kasaysayan ay tiyak na uulit nito.

Ginugunita ngayong taon ang ika-50 anibersaryo ng pagkadeklara ng Martial Law nuong 1972 sa panahon ni Marcos, Sr. Para sa marami, ang panahong ito ay isa sa mga pinakamadilim sa ating kasaysayan. “Hindi na muli” o “never again” ang sigaw ng mga taong lumalaban para sa pagpapanatili sa ating alaala ng mga naganap nuon, para sa pagpapabatid ng mga ito sa ating kabataan, at para matutunan natin bilang isang bayan ang mga aral ng ating nakaraan.

Dalawa ang pangunahing isyu sa panahong ito. Ang una ay ang malawakang pandarambong na nagdulot ng labis na kahirapan sa ekonomiya ng bansa at sa kabuhayan ng ating mga kababayan. Ang ikalawa ay ang malupit na pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr.

Bilang lumaki at umabot sa kolehiyo sa panahon ni Marcos Sr., naging limitadong saksi ako sa kasaysayan. Alam ko ang ibig sabihin ng kahirapan nuong panahong iyon. Hindi ko man naranasan ng sukdulan ang ganitong sitwasyon, nakapaligid at nakatambad sa amin ang mga epekto ng karukhaan. Kumpara sa iba, naging katamtaman lang ang pagkagipit na aming naranasan.

Sa aking kabataan, paghanga at inggit ang aking nararamdaman sa mga sikat na pamilya na kilalang marangya ang pamumuhay. Marami sa kanila ay nasa gobyerno o may mga kaibigan na nasa gobyerno. Unti-unting napalitan ang aking paghanga ng kamuhian habang nababatid ko kung saan galing ang kanilang yaman. Mula noon hanggang sa kasalukuyan, hindi ko lubos maisip kung paano nakakayanan ang ilang tao na magpakasasa sa ilegal at imoral na yaman. Kapag sila at ang kanilang mga asawa, anak, apo at iba pang malalapit sa kanila ay sumasakay sa mga mamahaling sasakyan, naninirahan sa mga mararangyang bahay, nag-aaral sa ibang bansa at nagtatamasa ng mga bagay na hindi kailanman mararanasan ng ordinaryong Pilipino, naiisip kaya nila kung paano nila nakamit ito.

Sa isyu naman ng mga abuso sa karapatang pantao, matindi ang pagtanggi ng mga kampon ng rehimeng ito na ang mga naganap ay pinag-utos ni Marcos Sr. Para sa kapakanan ng argumento, ipagpalagay na natin na hindi nga, bagama’t marami ang tiyak na tututol dito. Nguni’t, ang hindi maitatatwa ay batid nila Marcos Sr. ang mga nangyayari. Ang pagtanggi nito ay malaking insulto sa katalinuhan ng mga Pilipino. Para sa mga gumawa nito sa kanilang kapwa Pilipino, ang aking tanong hanggang ngayon ay kung ano ba ang naging matinding kasalanan ng mga taong sinaktan at pinatay nila para danasin ang labis na kalupitan. Lalong nakakagalit isipin kung may naparusahan ba sa mga gumawa nito,

Hindi ko na siguro lubos na mauunawaan kung bakit, para sa marami, hinayaan lang nating makalagpas ito na parang walang nangyari. Sabi ng iba, baka kailangan mangyari ang mga nangyayari ngayon upang maging matinding paalala sa atin na hindi tayo maaring makalimot muli. Tila nakakasa na ang kanilang plano na sa pagsasalin-salin ng kapangyarihan. Huli na ba ang lahat?