WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

Lumabag sa social distancing, pelikula ng Martial Law nabitin

Ipinatigil ng pulisya ang pagpapalabas ng isang pelikula tungkol sa Martial Law sa Pasay City nitong Martes ng gabi dahil umano sa paglabag sa social distancing.

Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, sumugod ang mga tauhan ng Pasay City Police at ipinahinto ang pagpapalabas ng pelikula sa isang covered court sa Barangay 178.

Sinabi ni Manuel na inorganisa nila ang event bilang pakikiisa sa ika-50 taong paggunita sa deklarasyon ng Martial Law sa pamamagitan ng pagpapalabas ng ‘Liway’, isang pelikula ni Kip Oebanda tungkol sa mga nangyari noong Martial Law.

Iginiit umano ng mga pulis na hindi ito magugustuhan ng Malacañang dahil ang anak ng sinasabing diktador na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ang nakaupo ngayon sa Palasyo.

Pinabulaanan naman ito ni Pasay Police Chief Byron Tabernilla at iginiit na ipinahinto nila ang pagpapalabas ng pelikula dahil sa paglabag sa social distancing. Nag-iingat lang aniya sila para hindi kumalat ang COVID-19 sa lungsod.