WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

Titser nanipa ng estudyante, huli pero hindi kulong

Bistado sa CCTV ang pagtadyak ng isang guro sa kanyang estudyante sa Cagayan de Oro City pero hindi ito kakasuhan at ikukulong.

Ayon kay Bayabas National High School head Manuel Lincaro Jr., nagkaroon lang ng hindi pagkakaunawaan sa panig ng guro at estudyante na agad din naman nilang naayos.

Paliwanag niya, inakala ng guro na binu-bully siya ng estudyante kaya nayamot ito at nasipa niya ang estudyante.

Nakita sa video ang grupo ng mga estudyante habang nakatayo at nag-uusap sa pasilyo ng eskuwelahan. Maya-maya lang ay nilapitan ng guro ang estudyante, pinagalitan ito at saka sinipa.

Sinabi ni Lincaro na nag-usap na ang guro at mga magulang ng bata kaya lusot na ang titser sa anumang reklamo o kaso.

Samantala, pinaalalahanan ng Department of Education sa Cagayan de Oro ang mga guro na maging mapagpasensya sa kanilang mga estudyante dahil mananagot sila sa batas kapag nanakit at pumatol sila sa mga ito.