WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Pabilisin ang pag-ikot sa gulong ng hustisya

May ilang reporma ng naipatupad sa bansa natin para mapabilis ang pagdedesisyon sa napakaraming kasong nakabinbin sa mga korte, lalo na sa mga Regional Trial Courts (RTCs). Isa na dito ang pagpalawak ng hurisdiksyon o sakop na mga kaso ng mga tinatawag na first-level courts tulad ng mga Municipal Trial Courts in Cities (MTCCs).

Sa nakarang Kongreso, naipasa namin at napirmahan ng aking amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act (RA) 11576. Sa ilalim ng RA 11576 o Judiciary Reorganization Act of 2021, ang halaga ng mga small claims na kaso na hahawakan ng mga first-level courts ay tinaas ng Korte Suprema mula sa dating P400,000 hanggang sa P1 million. Sa ganitong paraan, mababawasan ang kasong sinasampa sa mga RTCs.

Bukod sa MTCC, ang iba pang first-level courts ay ang Metropolitan Trial Court (MeTC), Municipal Trial Courts (MTC), at Municipal Circuit Trial Courts (MCTC).

Sa Davao City kung saan ang inyong Kuya Pulong ang kinatawan ng 1st District, inasahan ng dadami ang kasong isasampa sa mga MTCC bunga ng naipasang batas.

Kaya naman para matiyak na madedesisyunan ng tama at maayos ang mga kaso kahit dumami pa ang mga ito, nag-file tayo ng panukalang batas, ang House Bill (HB) 3272, para madagdagan ng tatlo pa ang kasalukuyang bilang ng mga MTCC sa Davao.

Sa kasalukuyan, pito lang ang MTCC sa Davao City kung saan apat lang ang regular na humahawak ng mga kaso. Ito ay sa kadahilanang ang isa dito ay tinalagang Environment Court, at ang isa naman ay nasa ilalim ng presiding judge na tumatayo ring executive judge, kaya’t marami na ring ginagawa at mga responsibilidad. Ang isa naman ay hindi na muna tumatanggap ng kaso dahil umabot na sa 1,500 ang caseload.

Noong kalagitnaan lamang ng taong ito, may 6,693 cases ang naiassign sa mga MTCC sa Davao, pero hindi kasama ang dalawa dahil naka-lockdown.

Malinaw sa mga datos na ito na kailangang dagdagan ang mga MTCC sa Davao City na sakop ng 11th Judicial Region.

Ang magandang balita ay naaprubahan na ng House Committee on Justice ang HB 3272. Pagsusumikapan ng inyong Kuya Pulong na maisabatas na agad ito para makatulong sa pagpapabilis ng pag-ikot ng gulong ng hustisya sa ating bansa.