WebClick Tracer

Sunday, January 29, 2023

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Iwas-scam

Karaniwan na nating hindi pinapansin ang mga spam text messages na natatanggap natin. Marami dito ang mga manloloko na nag-aalok ng trabaho na may malaking sweldo kuno o di kaya nagyayaya na sumali ka sa mga e-games o magbukas ng account sa kanilang website kapalit ang pera.

Nakakairita para sa nakakarami pero meron pa rin na naniniwala sa mga ganitong scam.

Kamakailan ay naging nakababahala na ang mga spam message na pinapadala ng mga scammer dahil ang mismong pangalan na ng may-ari ng cellphone ang nakalagay sa text.

Paano nila nakuha ang ganitong pribadong impormasyon? Nagsagawa na ang mga senador ng imbestigasyon ukol dito.

Ayon sa mga report, mahigit 70 milyong spam messages ang naharang ng Globe at mahigit 5,000 mobile phone numbers ang nadeactivate na nito dahil sa mga reklamo ng mga konsyumer. Ang PLDT naman ay napabalitang nakapag-block ng mahigit 20 milyong text scam messages.

Pero sa kabila ng mga ginagawa ng mga telecom companies, sangkaterba pa ring spam messages ang nakakalusot at natatanggap natin halos araw-araw. Karamihan dito ay mga galing sa scammers.

Isa sa mga dahilan kung bakit laganap ang text scam ay napakadali kasing makabili ng SIM card kahit saan. Ang iba pa nga ay bulto-bulto kung bumili at ginagamit sa pagto-troll at pang-iiscam.

Para makatulong sa pagsawata ng mga text scam at iba pang ganitong maling gawain, isa ang inyong Kuya Pulong na nag-file ng bill para maging batas ang pagpaparehistro ng mga Subcriber Identity Module o SIM card, prepaid o postpaid man ito.

Kasama natin sa pagfile ng panukalang batas sina Benguet Congressman Eric Yap, Quezon City Congressman Ralph Tulfo, at ang mga kinatawan sa Kongreso ng ACT-CIS Partylist na sina Edvic Yap, Jocelyn Tulfo at Jeffrey Soriano.

Naaaprubahan na ng House committee on information and communications technology (ICT) ang pinagsama-sama o consolidated bill natin at ng iba pang kapwa mambabatas na ang layunin din ay i-require na ang pagpaparehistro ng mga SIM card.

May mga nakalagay na safeguards sa bill para matiyak na mapoprotektahan ang pribadong impormasyon ng nagmamay-ari ng SIM card, kasama na ang pangalan nito. Lahat ng impormasyon sa pagrehistro ng SIM card ay dapat na manatiling confidential hanggat walang pahintulot ang subscriber, o may utos ng korte na ilahad ito dahil nagamit sa pagsasagawa ng krimen.

Mabilis na naaprubahan ang consolidated bill sa SIM card registration, na naipasa na noong nakaraang Kongreso. Ito ay dahil sa ilalim ng rules ng Kamara de Representante, ang mga panukalang batas na naipasa na ng third and final reading sa nakaraang Kongreso ay maaring maaprubahan na agad.

Hindi naisabatas ang SIM Card Registration bill noong nakaraang Kongreso dahil hindi nasang-ayunan ng aking ama, ang dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang ilang probisyon nito na sa tingin niya ay labag sa mga karapatan na nakasaad sa Konstitusyon.

Pero binigyang diin din ng dating Pangulo na kahit na nai-veto o hindi niya nasang-ayunan ang bill, dapat pa ring magpursigi ang Kongreso na makapagpasa ng karampatang batas sa pagpaparehistro ng SIM card. Ito ay importanteng hakbang para maiwasan ang paglaganap ng cybercrime.

Tiwala naman tayo na maisasabatas ang bersyon na maipapasa ng kasalukuyang Kongreso. Umaasa rin tayo na ito ay magiging epektibong instrumento para mabawasan, kundi man tuluyang mawala, ang mga text scam at iba pang krimen na gamit ang information technology.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on