Sisipa pa ang presyo ng mga bilihin sa mga susunod na buwan, sabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor Felipe Medalla kahapon.
Sa pagtataya ni Medalla, sa Setyembre o Oktubre ang magiging pinakamataas na inflation sa bansa ngunit bababa aniya ito sa oras na bumaba ang mga presyo sa pandaigdigang pamilihan.
“My own personal bet is that the peak is coming September, October,” sabi ni Medalla sa pulong ng Management Association of the Philippines na ginanap nitong Biyernes.
Paliwanag niya, average kasi sa buong taon ang forecast ng BSP na inflation na 5.4%.
Mula Enero hanggang Hulyo, 4.7% pa lang ang average inflation dahil nasa 3% lamang ito noong Enero at Pebrero, bago lusubin ng Russia ang Ukraine.
Kung sakto ang forecast ng BSP na ang average inflation ngayong taon ay nasa 5.4%, ibig sabihin nito lampas 6% ang magiging inflation sa susunod na mga buwan hanggang sa matapos ang taon. (Eileen Mencias)