WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
SPORTS

Ravena, Akari armado sa PVL

HANDA nang saluhin ni libero Dani Ravena ang mga atake at hambalos ng mga makakatunggali ng bagong sibol na koponang Akari Power Chargers sa huling kumperensiya ng Premier Volleyball League (PVL) na Reinforced Conference na sisimulan sa darating na Oktubre.

Todo-pagsasanay ang Chargers sa ilalim ng pagmamando ni 1992 Olympic gold medalist at Philippine women’s national team head coach Jorge Edison Souza de Brito mula Brazil upang magpasikat at makipagsabayan sa mga beteranong propesyunal na balibolista ng bansa.

Sasabak sa unang pagkakataon ang Power Chargers na sinimulang buuin ang koponan nitong Hulyo matapos dumaan sa matinding pagsasanay at pagpapasikat ang bunsong anak ni Mozzy Ravena, team manager ng Akari, kasunod ng ginanap na tryouts simula Hulyo 1 at 3 sa Pace Academy sa Quezon City.

Matatandaang naging kauna-unahang liberong kapitana sa kasaysayan ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang 5-foot-5 na dating Ateneo Lady Blue Eagle, kung saan minsan na itong naging parte ng Ateneo-Motolite team na nakakuha ng second place sa 2018 Open Conference ng PVL.

Bukod sa pagbubuo ng panlabang koponan na naunang tinapik ang serbisyo nina setter Michelle Cobb, hitters Jho Maraguinot, Trisha Genesis at Lycha Ebon, inaasahan ring kukuha ng de-kalibreng foreign player ang Power Chargers sa import-laden conference.

Makakasama rin ng mga ito sina dating Lady Eagles setter Jamie Isabelle Lavitoria, na naglaro na sa Generika, Choco Mucho at BaliPure, dating Ateneo opposite hitter Erika Raagas, dating San Beda opposite spiker Janine Marciano, setter Janel Maraguinot, dating national team member middle-blocker Geneveve Casugod, dating Far Eastern University middle-blocker Princes Ezra Madrigal at Filipino-Canadian mula MacEwan University Griffins libero Rachel Jorvina. (Gerard Arce)