WebClick Tracer

Wednesday, October 5, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
SPORTS

Maika, 6 iba pa laglag sa Chery

MATAPOS ang anim na taong paglalaro sa Chery Tiggo Crossovers ay maghahanap ng panibagong koponan si dating national team member Maika Ortiz at anim na iba pa kasunod ng balasahan ng mga manlalaro sa koponan matapos ang hindi magandang pagpapakita 2022 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.

Nagsimulang humataw ang 30-anyos na middle blocker galing Santo Tomas Golden Tigresses noong 2016 sa Foton Tornadoes sa Philippine SuperLiga (PSL), na tumalon ng PVL noong 2020 season.

Naging parte ang 5-foot-10 na middle blocker ng kampeonato ng Foton noong 2016 sa PSL Grand Prix at titulo sa 2021 PVL Open Conference kasama niya sa koponan ang magkapatid na Dindin Santiago-Manabat at Jaja Santiago kalaban ang Creamline Cool Smashers sa bubble conference na ginanap sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos, Norte noong Hunyo hanggang Agosto 2021.

Sa inilabas na statement ng koponan sa kanilang Facebook account nitong Martes ng gabi, inihayag nito ang pasasalamat sa paglilingkod sa koponan.

“In every spike, every set, every dig, you’ve been there, Crossovers. Your Chery Tiggo Crossovers family thanks you from the bottom of our hearts. Our memories together are forever cherished! Goodluck in your future endeavors! We’re rooting for you,” pahayag ng Chery Tiggo sa kanilang Facebook post.

Bukod kay Ortiz, kabilang rin sina outside hitter Elaine Kasilag ng Perpetual Help-Laguna, middle blocker Rachel Austero ng College of St. Benilde, middle blocker Joy Dacoron ng Adamson, outside hitter/libero Justine Dorog ng UP Lady Maroons, Arianne Layug ng DLSU Lady spikers at libero Julia Angeles.

Nananatiling mga manlalaro na lamang ng Chery Tiggo sina Santiago-Manabat, Mylene Paat, Alina Bicar, Jaasmine Nabor, EJ Laure, Czarina Carandang, Shaya Adorador, May Luna, Mary Joy Dacoron at Ria Duremdes. (Gerard Arce)