WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

4 college student kinaladkad hanggang kamatayan

Nasawi ang apat na estudyante sa kolehiyo matapos na sumalpok ang sinasakyang van ng mga ito sa likod ng sinusundan nilang trak sa Tayabas City, Batangas kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang Tayabas City police ang mga biktima na sina Michaela Jeuel Solomon, 23; Juan Carlos Alvarez, 22; Enrique Garcia, 20; at Marga Elayne Ramirez, 18, pawang mga residente ng Candelaria, Quezon.

Sa imbestigasyon ng Tayabas City police, galing sa Lucena at patungo sa Candelaria ang mga biktima nang mangyari ang aksidente sa Maharlika highway ganap na alas-tres ng madaling-araw.

Ayon kay Cipriano Gonzales Jr., 39-anyos at residente ng Lopez, Quezon, inakala niyang naputukan sila ng gulong dahil sa bigat ng kargang mga kahoy ng minamaneho niyang Isuzu forward truck na may plakang WTP-521 kaya hindi niya namalayan ang pagsalpok sa likod nito ng Toyota Innova na may plakang DAC-4983 na minamaneho ni Garcia.

Saka lang umano niya nakitang nakaladkad ng trak ang wasak na sasakyan ng mga biktima nang itabi niya ang trak sa gilid ng lansangan. Nasa kustodiya na ng Tayabas PNP ang driver.

Samantala, nagtulong-tulong ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Sariaya, City Disaster Risk Reduction Management Office ng Tayabas, Bureau of Fire Protection (BFP)-Tayabas at Tayabas City PNP para mahila ang mga naipit na biktima sa loob ng sasakyan. (Ronilo Dagos)