WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
ENTERTAINMENT

27M follower na: Marian hindi matalbugan nina Angel, Ivana, Anne sa FB

Mahirap na talagang kabugin si Marian Rivera bilang reyna ng Facebook. Aba, umabot na sa 27M ang mga follower niya, ha!

Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga sumusubaybay sa kanya sa Facebook. Kaya nga sa chikahan namin sa kanya, nangako siyang mas magiging aktibo na sa FB, para sa mga fan niya.

“Awwww thank you!” sabi ni Marian sa Instagram post niya na 27M na nga ang follower niya sa FB.

“Queen!” chika ni Sofia Andres kay Marian.

Sabi nga ni Cat Arambulo, parang isang maliit na bansa na raw ang follower ni Marian sa FB, ha!

“27M that’s a country already. Haha. Love you! Great seeing you earlier. See you again later and tom!” chika ni Cat.

Anyway, si Angel Locsin pa rin ang sumunod kay Marian, na may 25M follower na, habang sinusulat ito. Dalawang milyon na nga ang inilamang ni Marian kay Angel, na parang kailan lang ay iisipin mong baka maabutan ni Angel si Marian, lalo na noong panahon ng kainitan ng pandemic.

At bongga ito, dahil hindi talaga nagpapakabog si Niana Guerrero na may 24M follower na, ha! Na kahit naman sa YouTube, o TikTok, namamayagpag ang batang ito, ha!

Kaaliw nga si Niana, na parang walang kamalay-malay kung gaano siya kasikat sa social media, ha!

At ang reyna naman ng YouTube na si Ivana Alawi, aba, ratsada rin pala sa Facebook, na may 19M follower na nga, ha! Panalong-panalo ka gurl, ha! Ayaw mong pakabog talaga!

Kung sa Instagram ay reyna si Anne Curtis, sa Facebook ay medyo malayo pa ang lalakbayin niya para maungusan sina Marian, Angel.

Sa ngayon ay may 18M follower pa lang siya, at kailangan pa niyang lampasan muna sina Ivana at Niana para maging Queen ng FB.

Siyempre, panalong-panao si Manny Pacquiao na may 18M follower, na hindi nga niya nagamit noong kampanya sa pagka-pangulo, ha!

Ayaw ring paawat ni Andrea Brillantes na may 17M follower rin, ha! Klik na klik talaga ang mga paandar niya sa social media.

Siyempre, panalo rin si Vice Ganda sa FB, na sa ngayon ay may 17M follower naman.

Hindi rin patatalbog si Kim Chiu na humamig na ng 16M follower. Ka-tie niya si Doc Willie Ong na may 16M follower rin.

Ang super tahimik sa social media na si Sarah Geronimo, panalong-panalo rin, dahil may 15M follower nga siya. Si Sarah kasi ang superstar na hindi talaga aktibo sa social media, at malamang ay mga fan o admin lang talaga niya ang nagpu-post doon.

Siyempre, panalo rin ang mga social media influencer na tulad ni Zeinab Haraker na may 12M follower.

At ayaw ring patalbog ang isa sa mga itinuturing na reyna ng GMA na si Sanya Lopez na may 10M follower na rin. Panalo rin si Sanya sa TikTok.

Sa mga beauty queen ay si Catriona Gray ang nangunguna dahil may 8M follower na siya.

Si Nadine Lustre na aktibo sa pagpu-post sa Instagram ng mga ganap sa buhay niya ay may 7.7M follower sa Facebook.

Kung sa Instagram ay sumusunod si Liza Soberano (17.3M) kay Anne sa pagri-reyna, sa Facebook naman ay 7.6M pa lang ang follower niya.

Si Maine Mendoza naman ay may 7.2M follower.

Si Heart Evangelista ay 7.1M.

Malayo pa ang lalakbayin ng bagong Darna na si Jane de Leon para maabot ang tagumpay nina Marian, Angel. Sa ngayon ay may 7M follower pa lang si Jane.

Si Francine Diaz ay may 5.1M follower. Medyo napag-iwanan siya ni Andrea Brillantes, ha!

Si Kris Aquino na kahit hindi na aktibo sa ngayon sa lahat ng mga social media app ay may 4.9M follower pa rin sa FB.

Kathryn, Bea, Pia kulang sa kinang

Mukhang hindi naman ang FB ang mundo ni Kathryn Bernardo, dahil 4.8M pa lang ang follower niya. Malayong-malayo sa milyones na follower niya sa Instagram (17.3M), ha!

Kunsabagay, namroblema na noon si Kathryn sa Facebook, dahil may mga fan na gumawa ng FB page niya, na milyones din ang follower, at ayaw na ngang bitawan pa. Ang siste tuloy, hindi na niya magamit ang sarili niyang pangalan.

Sa mga leading man ay panalo si Alden Richards na may 4.2M follower. Hindi kasi aktibo sina James Reid, Daniel Padilla, Enrique Gil sa FB.

Pasok din siyempre sa mga sikat si Belle Mariano, na kahit baguhan pa lang ay may 3.5M follower na agad.

Tinalbugan pa niya si Bea Alonzo na may 3.3M follower pa lang.

Panalo rin si Donny Pangilinan na may 3.2M follower.

Wagi rin si Jelai Andres na may 3.2M follower.

Medyo malayo na si Pia Wurtzbach dahil 3.2M follower pa lang siya sa FB, bagamat panalo naman siya sa Instagram (13.8M).

Well, mukhang sa takbo ng mga ganap sa Facebook, si Marian pa rin talaga ang tatanghaling reyna ng FB ngayong 2022.