WebClick Tracer

Saturday, October 1, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

23K pulis ikakalat sa balik-eskuwela

Mahigit sa 23,000 pulis ang ipakakalat ng Philippine National Police (PNP) na magsisilbing COVID-19 patroller at magbabantay sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Lunes matapos ang mahigit dalawang taon na online learning bunsod ng pagkalat ng nasabing virus sa bansa.

Ayon kay PNP spokepserson Police Col. Jean Fajardo, ipoposte ang mga pulis sa paligid ng mga paaralan gayundin sa mga ilalagay na police assistance desk dito.

Sa isinagawang Laging Handa briefing kahapon, idiniin ni Fajardo na sa ganitong paraan ay madaling makahihingi ng tulong ang mga magulang at estudyante sa mga pulis.

Sinabi ni Fajardo na makikipag-ugnayan naman ang mga itatalagang COVID-19 patroller sa pangasiwaan ng mga establisimyento at paaralan para masigurong masusunod ang ipinatutupad na public health standards and protocols.

Aniya, noong nakaraang buwan ay nagsimula ng makipag-ugnayan ang PNP sa mga school administrator at mga ahensya ng gobyerno para paghandaan ang pagdagsa ng mga tao hindi lang sa eskuwelahan kundi pati sa mga terminal ng sasakyan.

Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), umabot na sa 21,272,820 mag-aaral ang nakapag-enroll para sa pasukan sa Lunes na mas mababa sa target nilang 28.6 milyon enrolee.

Sa naturang bilang, 18.7 milyon ang nag-enroll sa mga pampublikong paaralan habang 2.4 milyon ang nag-enroll sa mga pribadong eskuwelahan. (Edwin Balasa)