WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

Umbagerong sarhento nanuntok ng PWD na tsuper

Nasa hot water ngayon ang isang pulis matapos nitong suntukin ang taxi driver na may kapansanan nang masagi umano nito ang sasakyan ng una sa Barangay Singcang Airport sa Bacolod City noong nakaraang linggo.

Ayon kay Bacolod City Police Station 8 commander Police Maj. Joery Puerto, sinabi ng biktimang si Roque Tome Jr., 54, na sinuntok siya ng pulis nang masagi niya ang sasakyan nito habang nagbababa siya ng pasahero sa airport noong Agosto 10. Humingi umano siya ng paumanhin sa pulis pero sinapak siya nito dahilan para matumba siya at masugatan.

Hindi muna tinukoy ni Puerto ang pangalan ng pulis pero may ranggo aniya itong Police Staff Sergeant at nakatalaga sa General Services Unit ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOCPPO)

Nauna na ring inireklamo ng tauhan nito ang pulis nang gulpihin niya ito dahil sa naantalang pag-ihaw ng letson nitong Hunyo. Inireklamo rin ito ng pananakit sa dalawang menor de edad noong nakaraang taon pero naareglo umano ito ng pulis.

Samantala, pinayuhan ng opisyal si Tome na magsampa ng kasong administratibo laban sa pulis sa kanilang Internal Affairs Service (IAS) para maparusahan ito sa kanyang pang-aabuso.