WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
LIFESTYLE

Kahit baon sa utang, may karapatan pa rin

Napakabigat na suliranin ang pagkakaroon ng pagkakautang lalo pa’t napakahirap ng buhay ngayong nagkaroon pa ng pandemya hindi lamang sa ating bansa, kundi maging sa buong mundo.

Dahil sa pandemya ay marami ang nawalan ng trabaho na bagamat may mga ayuda o cash aid na ipinagkakaloob ang gobyerno ay hindi naman sumasapat para sa araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya.

Kaya naman walang ibang paraan ang bawat pamilya kundi ang mangutang sa mga lending companies habang ang iba naman ay sa 5’6 na lamang kumakapit upang maitaguyod at may maipangtustos lamang sa kanilang mga pangangailangan sa buhay.
At dahil sa talagang hirap sa pera at hindi agad nakababayad sa pagkakautang, karamihan sa kanila ay ginigipit ng kanilang pinagkakautangan o ‘di kaya ay ipinapahiya pa para magbayad lamang.

Kaya payo ng Department of Justice (DOJ), huwag hayaan ng mga may pagkakautang na ipahiya sila o kaya ay gipitin at alamin ang kanilang karapatan kontra sa mga lending companies o mga nagpapautang.

Binalaan na ng DOJ ang mga online lending companies na nagsasagawa ng hindi patas o unfair collection practices na maaari silang maharap sa kasong kriminal.

Ang babala ng DOJ Cybercrime Office ay matapos na makatanggap ng mga ulat na may mga online lending companies ang nangha-harass sa paniningil mula sa mga may pagkakautang sa kanila na nabigong makapagbayad sa tamang panahon.

Ilan sa mga ginagawang pangha- harass ng debt collectors ay ang pag- access sa contacts list ng mga debtors para magpadala ng non-payment messages; pag-post ng personal information ng debtors online upang ipahiya ang mga ito at pagbabanta sa mga may pagkakautang sa kanila na papatayin o sasaktan.

Kaya naman pinayuhan ng DOJ sa mga may pagkakautang na kung makakatanggap sila ng mga ganitong uri ng harrassment ay maaring magsumbong sa National Bureau of Investigation-Cybercrime Division, Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group, National Privacy Commission at sa Securities and Exchange Commission.

Ang mga lending companies na mapapatunayang nagsasagawa ng ganitong harrassment ay maaring kasuhan ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act (RA 10175), Data Privacy Act (RA 10173), Revised Penal Code at memorandum circular ng SEC.
Maaring makulong ang online lending firm ng hanggang 12 taon pataas, at may multang P200,000.

Sa ilalim naman ng SEC memorandum circular no. 18, series of 2019, ang lending at financing companies na gumagawa ng unfair debt practices ay pagmumultahin ng P25,000 para sa first offense at P50,000 sa second offense para sa lending companies, habang P50,000 naman para sa first offense at P100,000 sa ikalawang offense ang mga financing companies. (Dolly B. Cabreza)