WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
LIFESTYLE

Ayusin muna ang gulo sa NCAP bago ipatupad

NCAP ang pinaikling tawag sa “No Contact Apprehension Program”. Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, na masasagap ng CCTV at digital camera ang anumang paglabag sa trapiko. Padadalhan ng “notice of violation” ang rehistradong may-ari ng sasakyan na makikilala mula sa datos ng rehistro ng sasakyan.

Ipinatupad na ng MMDA sa EDSA ang ncap mula 2016 pa. Sa katunayan, nakatanggap na ako ng “notice of violation” noong 2018 dahil sa pagtawid sa yellow buslane sa Makati.

Naging mainit na usapan ang NCAP nang umpisahan ito ng ilang LGU sa Metro Manila. Aktibo na ang NCAP sa mga lungsod ng Manila, Quezon, Paranaque, Pasay at Valenzuela. Meron na rin sa lungsod ng Cauayan, Mandaue at probinsiya ng Bataan.

“We expect motorists to be more careful and disciplined when plying our roads. We want to instill in them that no one is exempted when it comes to traffic rules and regulations. [Umaasa kaming magiging maingat at disiplinado ang mga daraan sa aming kalye. Gusto nating ipaalam na walang sinumang palalampasin pagdating sa batas trapiko],” ang sabi ni QC Mayor Joy Belmonte.

Sa unang tingin, napagandang programa ang NCAP. Dahil nakabantay ang mga camera, mapipilitan ang mga motorista na sumunod sa batas trapiko. Inaasahan ang pagkakaroon ng kaayusan sa magulong lansangan ng Pilipinas. Mapipilitan din ang mga motorista na pag-aralan ang mga batas trapiko upang makapagmaneho ng tama sa kalsada. Dahil wala ring contact sa pagitan ng enforcer at motorista, walang kotong o lagayan na magaganap.

Pero bakit maingay ang pagsalungat sa NCAP?

Sa ilang buwang pagpapatupad, maraming kaso ang lumabas kung saan ang nahuli sa camera na sasakyan ay matagal nang naibenta, at ang “notice of violation” ay napadala sa dating may-ari. May mga kaso rin na hindi ang may-ari ang nasa likod ng manibela. Kaya’t hindi natatanggap ng motoristang gumawa ng paglabag ang ‘notice’, para mabayaran o mai-apela kung kailangan.

Sa mga kumpanya ng bus at taksi, ang sumasalo sa “notice of violation” ay ang mga operator. Mas malala kung ang drayber na lumabag ay wala na sa kumpanya; ang operator ang magbabayad ng multa.

Ang mga kuha rin ng kamera ay snapshot o isang iglap lang ng buong pangyayari. May mga lugar kung saan hindi kita sa litrato ang tunay na kalagayan ng kalsada. Halimbawa rito ay ang paghuhukay na ginagawa sa kalye, at iniiwasan ng mga motorista. Ilan sa mga nahuling wala sa tamang linya ay dahil sa umiwas lang sa lubak, konstraksyon o hazard sa kalsada.

Sa panahon ng pandemya, naglatag ang mga LGU ng mga bikelane sa Metro Manila. Dahil sa bikelane, ang pinaka-kanan o outer lane ay kumitid at hindi na kasya ang sasakyang 4-wheel; siguradong aapak ang 2 gulong sa katabing linya. Pagdating din sa kanto, siguradong aapak sa bikelane ang sinumang motorista bago makaliko sa kanan. Marami sa mga nahuli ay may kasong ganito.

Dahil sa mga problema, umapela ang LTO na suspendihin muna ang NCAP. Pati ang Kongreso ay nagpapatawag ng imbestigasyon sa magulong pagpapatupad ng NCAP.

Dapat munang siguruhin ng MMDA at mga LGU na walang motoristang mabibigyan ng maling violation bago ganap na ipatupad ang NCAP.