WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Tuloy-tuloy na ‘Libreng Sakay’

Tayo ay nagagalak na nagbigay ng katiyakan ang ating pamahalaan na hanggang sa pagtatapos ng taong kasalukuyan ay patuloy mae-enjoy ng ating mga kababayan ang magandang programang Libreng Sakay ng pamahalaan.

Kung maalala po ninyo, ang inyo pong lingkod ang nauna sa mga nagsabi na sana ay masigurado ng ating gobyerno na magtutuloy-tuloy ang programang Libreng Sakay. Batid naman nating lahat na malaki ang naitutulong nitong Libreng Sakay program sa mga kababayan natin lalo pa ngayon na masyado pa ring mataas ang presyo ng krudo at tumaas na rin ang pamasahe.

Kahit paminsan-minsan ay nagkakaroon ng rollback, hindi pa rin po bumabalik sa normal ang presyuhan ng produktong petrolyo. Para po ito sa mahihirap at low-income commuters sa National Capital Region (NCR) na nangangailangan ng tulong ngayong nararanasan ng mundo ang global oil shock na pinagmumulan ng mas mataas na inflation at nagtulak sa gobyerno para itaas ang pamasahe. Tunay pong napakalaking benepisyo nitong Libreng Sakay program.

At para naman po ma-sustain ang magandang programang ito hanggang sa susunod na taon, heto po at nangunguna rin tayo sa paghimok sa Kongreso na malagyan ng pondo ang Libreng Sakay program para maituloy natin ito sa susunod pang taon.

Tayo ay umaapela sa Kongreso na isulong ang paglalaan ng mas mataas na budget ng Department of Transportation (DOTr) sa 2023 General Appropriations Acts (GAA), gayundin sa mga susunod pang taon ng pagbabadyet upang matiyak na masusustena ng gobyerno ang Libreng Sakay hindi lamang para ngayong 2022 at sa 2023 kundi hanggang sa buong termino ni Pangulong Bongbong Marcos.

Malaki ang maitutulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para matiyak na susulong itong Libreng Sakay program. Unang-una ay kailangan muna nilang tuparin ang kanilang commitment na bayaran ang natitira pa nilang utang sa mga bus companies na nakikilahok sa Libreng Sakay program ng gobyerno.

Alam nating lahat na hindi tatakbo ang mga bus kung walang krudo at walang driver, hindi naman po puwedeng hingin natin ang serbisyong ito sa mga bus companies nang libre. Kaya kailangan bayaran na ng LTFRB ang utang sa dalawang bus consortiums—ang ES Transport at Mega Manila Consortium Corp. (MMCC)—para maabot ang tamang bilang ng mga bus na magbibigay ng libreng sakay.

Nangyari kasi na dahil sa unpaid fees na ito, mula sa 440 bus na dapat patatakbuhin lalo na sa rush hours ay 200 bus lamang ang pinatakbo ng mga bus consortiums kaya tuloy nahirapan ang mga commuters natin sa haba ng pila sa Edsa Busway Carousel stations.

Kailangang maging prayoridad ng DOTr at Department of Budget Management (DBM) ang Libreng Sakay program lalo’t kabilang ito sa very first official acts ni President Marcos sa kanyang kauna-unahang araw sa posisyon.

Kailangang itodo na ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang kanyang pagsisikap, ika nga ay ibigay ang kanyang “best effort” para tiyakin na makakapaglaan si Budget Secretary Amenah Pangandaman ng P1.4 bilyon para pondohan ang Libreng Sakay program hanggang katapusan ng taon, batat na rin sa naging direktiba ni President Marcos.

Naunang sinabi ni Bautista sa Laging Handa press briefing na hihingi sila ng additional budget sa DBM. “The Libreng Sakay program demands a certain funding. If we want to implement the free bus rides until December, we will need additional funding of around P1.4 billion, which is not available in our existing budget,” yan ang naging pahayag ni Bautista. At dasal nating maisakatuparan ito para sa ikatatagumpay ng programa.

Bukod sa pagsusulong na masustena ang Libreng Sakay program, umapela din po ang inyong lingkod sa gobyerno para bilisan ang paglalabas ng inaprubahang P1,000 fuel subsidy para sa mahigit 600,000 qualified tricycle driver-beneficiaries.

Ginagawa po natin ang lahat ng ito para tulungan ang mga kababayan nating pinalugmok ng dalawang magkakasunod na dagok sa buhay—ang pandemya at ang global oil crisis. Ang inyong lingkod po ay lead author ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 law na may layuning “to heal and recover as one.” Ang mga batas na ito ang nagbigay pondo sa pamahalaan ni dating Pangulong Duterte upang mailigtas ang ating mga kababayan mula sa nakamamatay na coronavirus, palakasin ang ating healthcare system, at magbigay tulong pinansyal sa mga mahihirap na pamilya, mga nawalan ng trabaho at mga naluging negosyo na matinding tinamaan ng pandemya.

At bilang inyong mambabatas, gagawin natin ang buong makakaya para maisulong ang mga dagdag na hakbanging kakailanganin ng ating mga kababayan para sabay-sabay tayong makabangon sa pandaigdigang krisis dulot ng Covid-19.