WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
LIFESTYLE

LF: Mala-Ping Lacson na bantay kaban ng bayan

Taun-taon tuwing sasapit ang ganitong panahon ay nag-uumpisa nang maging abala ang mga miyembro ng Kamara de Representantes sa pagtasa sa taunan din na pambansang gastusin ng pamahalaan.

Sa tuwing matatapos kasi ang State of the Nation Address (SONA) ng presidente, ipinapadala na rin ng Department of Budget (DBM) sa hapag ng Kamara ang National Expenditure Program (NEP) o ang listahan ng mga pagkakagastusan ng gobyerno.

Kung walang magaganap na bangayan sa pagitan ng mga opisyales ng ehekutibo at mga miyembro ng Kamara o kaya ay mismong sa hanay ng mga kongresista, dapat ang bersiyon ng House of Representatives ay maiaakyat na sa Senado bago mag-Halloween break ang Kongreso.

Ngayong taon, marami ang nagtatanong at nag-iisip kung sino ang papalit kay Senador Ping Lacson sa ginagawa niyang linya por linya na pagsusuri sa mga numerong nakapaloob sa NEP at maging sa bersiyon ng Kamara sa pambansang gastusin.

Pagdating kasi sa pagbabantay sa pambansang gastusin, nag-iisa ang Ping Lacson sa dedikasyon at walang kapagurang pagtatrabaho sa hangaring masinop ang pondong gagastusin para sa mamamayan na galing din naman sa buwis nila at alam na alam ‘yan ng mga mismong nakasama niya sa Senado.

At ngayong natapos na ang termino ni Ping, ang tanong ay sino ang papalit sa kanya?

Sa hanay ng mga kasalukuyang miyembro ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso, napakahirap pang sagutin ng maiksing katanungan na ‘yan.

At dahil wala pang matumbok na sagot, ang susunod na tanong ay paano na ang kaban ng bayan?

Ang pambansang badyet, katulad lamang ng gastusin ng isang pamilya ay hindi malayong magastos sa maling mga bagay o kaya ay malustay na lamang ng walang kapararakan kung walang susuri sa mga listahang ginawa ng gugugol nito.

At kung babalikan ang mga nagawa ni Ping noong siya ay nasa Senado pa, napakaraming mga pondong naisalba mula sa maling mga gastusin at nailagay sa mga ahensiyang nangangailangan ng dagdag na ayuda upang mas tumino o kaya ay mapahusay ang serbisyong ipinagkalaloob sa publiko.

Isa lamang sa mga ahensiyang ‘yan ay ang tila nakalimutan ng ibang mga mambabatas, ang Department of Science and Technology (DOST) na ang pangunahing serbisyo para sa mga Pinoy ay ang bigyan tayo ng may kredibilidad na ulat-panahon, pagsasaliksik ng mga lunas sa mga karamdaman, paraan para mapaghandaan ang malalakas na lindol na lahat ay pawang mag-aadya sa mga tao sa kapahamakan.

Inalagaan din ni Ping ang International Rice Research Institute (IRRI) dahil sa maraming pagkakataon, hindi niya nakakalimutan na tingnan ang alokasyon para sa ahensiya at hanapan ng pandagdag kapag nakikita niyang kapos na kapos ang nakalaan para dito.

At ang free college education na tinatamasa ngayon ng mga gustong makapagtapos pero kapos sa pangmatrikula, ‘yan ay nabuo matapos na madiskubri ni Ping ang pondong tila itinago sa isang ahensiya para gamitin sa pagkakagastusang hindi naman malinaw na marami ang makikinabang.

Ilan lamang yan sa mga ginawa ni Ping bilang bantay ng kaban ng bayan, at ngayong siya ay pribadong mamamayan na, may gagawa pa ba ng mga ganyan?

Napakahirap talaga sagutin…