WebClick Tracer

Wednesday, September 28, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

Taal bumuga, mga residente apektado mata, lalamunan

Binawalan munang lumabas ang mga residenteng malapit sa bunganga ng Bulkang Taal nang muli itong mag-alboroto.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang anim na pagyanig sa bulkan nitong nakalipas na 24 oras.

Sinabi ng Phivolcs na tumagal ang pagyanig ng 3-7 minuto. Bukod dito ay naiulat din ang patuloy na pagtaas ng maiinit na volcanic fluid ng naturang bulkan.

Naobserbahan din ang malalaking plume na umabot sa 3,000 metro ang taas.

Naranasan sa ilang barangay sa Agoncillo, Laurel, at Talisay Batangas ang pagkaamoy ng sulfur dioxide.

Dahil dito, nagkaroon ng pagkairita sa mata at lalamunan ang mga residente.

Pinawi naman ng Phivolcs ang takot ng mga residente matapos ihayag na walang posibilidad na magkaroon ng delikadong pagsabog ang bulkan.

“Pagdating po sa recommendation for evacuation wala po tayong nakikita sa kasalukuyan. At lalong-lalo na ‘yung posibilidad na magkaroon ng talagang delikadong pagsabog ay di pa natin nakikita,” pahayag ni Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum sa isang panayam.

Subalit sinabi ni Solidum na maaaring magdesisyon ang mga residente kung nais nilang pansamantalang umalis sa kanilang lugar dahil sa volcanic smog. (Dolly B. Cabreza/AMDJ)