WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Pasok na pasok

Iyong walang kawala. Kung sa basketbol, pasok na pasok ang tira. Hindi tumama sa rim o basket. Kasingkahulugan ng onomatopeya na swak na swak. Pasok na pasok kapag ikaw ang unang ikinonsidera sa trabaho. Pasok na pasok ang requirements mo sa trabaho. Bagay na bagay sa gawain. Kailangang-kailangan ang kakayahan.

O kaya naman, habang iniinterbyu para sa bagong trabaho, pasok na pasok kapag may kahingian o tanong, at taglay mo ang eksaktong sagot. Sa sugal, pasok na pasok kapag tamang-tama ang iyong tinayaan. Panalo ang pasok na pasok.

Samantala, ginagamit din natin ang pagpapasok sa mga nasa labas. Papasukin ang mga dumating na bisita. Ipinasok sa loob ang gamit na mababasa ng ulan. Mayroon din namang pumapasok sa kaloob-looban lalo’t malaki ang gusaling pinasukan. Ang pagpasok ay paraan din ng kaligtasan laban sa peligro.

Pero may mga problema din naman tayong napasukan. Iyong wala sa plano. Itatanong mo sa sarili, ano ba naman itong pinasok ko? Ibig sabihin, problemang hindi dapat nangyari, at ngayong nakapasok ka na, mahirap nang lumabas.

‘Ikaw, pinasok mo ‘yan.’ Sasabihin sa iyo ng kaibigang hinihingan ng payo tungkol sa gulo na pinasok mo. Hihingi ka ng tulong kung paano makakalabas. Ito ang mga suliraning akala mo ay kaya mo agad lusutan. Pero iba ang napasok mo. Naging komplikado. Mahirap hanapin ang palabas.

May iba pa ring uri ng pagpasok. Lalo na itong napapanahon. Itong nangyari sa aming pasukan ng mga mag-aaral. At ang napipintong—wow, pinto, dito tayo pumapasok!—pasukan ng halos lahat ng paaralan sa bansa ngayong buwan.

Hindi gaya noong nagdaang taon, medyo maluwag na ngayon ang ‘pasukan’ dahil mayroon talagang ‘papasok’ sa mismong paaralan na hindi nila nagawa nitong huling dalawang taon. Hindi gaya noong nagdaang taon na wala naman talagang pinasukang paaralan sa halip ay sa modyul at laptop nagsipag-aral.

Kaya naman gayong medyo nagluwag na sa pagpasok sa paaralan, dapat ibayong ingat pa rin. Nariyan pa rin ang salot. Marami pa rin akong kakilalang nahawa nitong huling isang buwan (duda ko nga, baka hindi na namo-monitor ng ahensya ang bilang ng nagpopositibo). May mga alam akong opisinang nagsara dahil mayroong nahawa.

Mas alerto dapat ngayong pasukan. Madaling mahawa dahil sama-sama sa ilang silid. Sama-sama sa sasakyan, sama-samang mag-aabang. Sama-sama rin sa kainan. Sa mga dating tambayan sa labas ng paaralan. Mapipigilan pa ba ang mamasyal o pumunta sa at magpalamig at mamili sa mall? Maiiwasan ba ang magkuwentuhan? Siyempre sa tagal na hindi nagkita nang personal, may pananabik. Kaya naman ngayong pasukan, dapat hindi tayo mapasok sa ospital. Hindi tayo mapasok kahit sa klinika. Hindi tayo dapat mapasok sa problema lalo’t kasisimula lang ng pasukan namin at magsisimula na ang pasukan sa marami sa atin.

Mag-ingat sa pagpasok. Dapat makauwi kayo nang ligtas hanggang sa pagpasok ninyo sa inyong tahanan.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes