WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

‘Pinas kulelat sa COVID booster

Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may pinakamababang bilang ng mga naturukan ng booster shot bilang proteksiyon sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni OCTA Research fellow Dr. Guido David sa harap ng nararanasang uptick sa kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay David, sa kabila ng pagsisikap noon ng dating administrasyon na mapataas ang booster coverage ay napako na ito sa 15 milyon kaya nananawagan ngayon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling ikasa ang vaccination para sa booster ng mamamayan laban sa COVID-19.

“Sa Southeast Asia, tayo ang isa sa pinakamababang booster coverage. Nanawagan na nga ang pangulo natin na pataasin ‘yong ating booster coverage through the local government units,” ani David.

Umabot aniya sa 71 milyon ang mga Pilipinong nakatanggap ng una at ikalawang dose ng COVID vaccine subalit pagdating sa booster shot ay napakaliit na porsiyento lamang ang sumunod para magpaturok ng kanilang booster.

Ang hindi aniya naiintindihan ng publiko ay posibleng humina o pawala na ang bisa ng dalawang bakuna lalo na yaong lumampas na ng anim na buwan kaya bumababa na ang depensa ng antibodies sa katawan ng mga nabakunahan.

Hinimok ni David ang publiko na magpa-booster na para makasigurong hindi tamaan ng peligro ng COVID-19 at mapataas muli ang resistensiya laban sa mabagsik na virus.

“Karamihan sa mga kababayan natin maraming bakunado, 71 million pero karamihan ay last year pa nagpabakuna so by this time, more than six months baka humihina na ‘yong bisa ng ating bakuna. ‘Yong antibodies natin bumababa na so mas magandang magpa-booster tayo. Ipinapakita naman sa siyensiya na pag nagpa-booster tayo at least kahit ‘yong first booster ay malaki ang naitutulong na mapataas ulit ‘yong resistensiya natin laban sa COVID,” dagdag ni David. (Aileen Taliping)