WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

Mga tambay lumobo pa

Dumami ng 508,000 ang taong mga nagkatrabaho nitong Hunyo mula Mayo ngunit nadagdagan ng 62,000 ang nawalan ng trabaho dahilan para lumobo ito sa 2.99 milyon mula sa dating 2.93 milyon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), kahapon.

Ayon kay PSA Undersecretary Dennis Mapa, lumaki rin ang tinatawag na labor force participation rate o mga naghahanap ng trabaho at may trabaho noong Hunyo nang tumaas sa 64.8% ang labor force participation rate mula sa 64% nakaraang Mayo.

Paliwanag ni Mapa, nasa 49.58 milyon ang dami ng mga taong edad 15 anyos pataas na mabibilang sa labor force at 46.59 milyon sa kanila ang may trabaho na katumbas ng 94% na employment rate.

Nitong Hunyo ay umakyat sa 2.99 milyon ang walang trabaho , mas malaki ng 62,000 kung ikukumpara sa 2.93 milyong walang trabaho nakaraang Mayo.

Katumbas ito ng unemployment rate na 6% na bagamat bumaba kung ikukumpara sa kasagsagan ng pandemya, mataas pa rin ito kung ikukumpara bago magkapandemya nang nasa 5% lamang ito.

Ayon kay Mapa, 1.26 milyon ang nadagdag na trabaho sa agriculture and forestry at 164,000 and nadagdag na trabaho sa loob ng pamhalaan nitong Hunyo kumpara sa Mayo ngunit 1.22 milyong trabaho naman ang nawala sa wholesale at retail trade pati na sa repair ng mga sasakyan at 101,000 na trabaho naman ang nabawas sa manufacturing.

Sabi ni Mapa, dumami ang trabaho sa agrikultura dahil panahon pa ng ani noong Hunyo.

Aniya, ang mga nabawas naman na trabaho sa wholesale at retail trade ay ‘yong mga walang sariling puwesto at mga nagbebenta ng bagay na maituturing na non essentials tulad ng hardware.

Paliwanag niya, marahil ay nagtitipid ang mga tao dahil sa mahal ng bilihin kaya humina ang benta ng mga non-essential. (Eileen Mencias)