WebClick Tracer

Wednesday, December 7, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Kontrata ng mga Chinese company sa Pilipinas dapat silipin

DIPLOMASIYA Ni Roy C. Mabasa

Kamakailan ay may lumabas na ulat ukol sa mga reklamong isinampa laban sa China Harbour Engineering Corp. (CHEC) ukol sa umano’y di pagpapasuweldo nito sa mga trabahador na gumagawa sa Cavite C5 Link Expressway Project.

Bukod sa China Harbour, kasama sa sinampahan ng reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang lokal na construction partner nito na A.M. Oreta at Abyan Management manpower service provider.

Napag-alaman natin sa DOLE na inareglo na umano ng manpower provider ang mga nagreklamo habang may sumunod na naman na ibang grupo ng manggagawa ang naghain ng kaparehong usapin.

Ayon sa nakalap nating impormasyon, naipit umano ang service provider sa sitwasyon simula nang hindi na nagbabayad sa oras itong China Harbour para sa suweldo ng mga trabahador.

Marami ang nagtataka kung bakit ang isang kumpanyang gaya ng China Harbour ay mareklamo sa di pagbabayad ng suweldo gayong sa ating pagkakaalam ay isa itong pag-aari ng napakayamang estado ng Tsina.

Ayon sa report, makailang beses di pinansin ng China Harbour ang imbitasyon ng DOLE na humarap sa pagdinig ukol sa reklamo ng mga manggagawa.

Nagpadala na lamang ito ng isang mababang representante matapos mapaulat sa balita ang mga naghain ng reklamo.

At ang mga pangyayaring ito ay kabaligtaran sa mga paniniguro na binitiwan ng Tsina na ang kanilang mga kompanya at tauhan na ipinadadala sa ibayong dagat, kasama na ang Pilipinas, ay nakahandang sumunod sa mga batas at patakaran ng bansa kung saan sila ay may aktibidad.

Nakakatiyak tayo na sakaling isang kumpanyang Pilipino ang lumabag sa batas ng Tsina sa kanilang sariling bakuran ay malamang na kaso at kalaboso agad ang haharapin nito.

Dapat siguro ay busisiin mabuti ng pamahalaang nasyonal ang mga kontratang pinapasok ng Tsina sa Pilipinas gaya nitong mahigit 300 hektaryang reklamasyon sa Manila Bay na proyekto ng SM Group. China Harbour ang umano’y napili bilang general contractor ng multi-bilyong proyekto kasama ang Pasay City government.

Itong China Harbour ay isa sa mga sangay ng China Communications Construction Company (CCCC) na isa din Chinese state-owned na kumpanya na inilagay ng Estados Unidos sa blacklist dahil sa naging papel nito sa paggawa ng mga pekeng isla sa South China Sea.

Hindi na rin naman bago sa ating kamulatan ang pagkakasangkot ng mga Chinese-owned companies sa mga kontrobersiya dito sa Pilipinas gaya na lamang ng Northrail at ang NBN-ZTE na parehong nabalutan ng katakot-takot na isyu ng korapsyon noong panahon ni dating Pangulo at ngayon ay kongresistang muli na si Gloria Macapagal-Arroyo.

Natatandaan ko tuloy ang nasirang dating Senadora Miriam Defensor-Santiago nang sabihin nito sa imbestigasyon ng Senado sa NBN-ZTE na ang Tsina umano ang nag-imbento ng korapsyon sa sibilisasyon ng sangkatauhan. Ngunit ito ay binawi niya matapos magpadala ng “letter of apology” sa Embahada ng Tsina sa Maynila.

Kung matuloy ang reklamasyon sa Manila Bay, malamang ay tiba-tiba na naman ang mga tiwali diyan sa City Hall at mga alipores nito na ang pinapanginoon lamang ay salapi.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on