WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Kalusugan at kaligtasan

Karaniwan na nating naririnig ang mga katagang “wasak” o “wasted” sa maraming kabataan ngayon. Ang ibig sabihin nito ay hindi na sila makakilos ng maayos dahil sa sobrang kalasingan. Ang hindi nila alam ay sa kanilang murang edad, maaring mapahamak ang kanilang kalusugan. May mga kaso nang naitala na alcohol poisoning sa mga kabataan na ang ilan ay nauwi sa pagkamatay. Hindi biru-biro ang “binge drinking” o sobrang paglalasing. Bukod pa riyan, ang sobrang kalasingan ay puedeng mauwi sa disgrasya.

Kaya naman kamakailan ay naghain ang inyong Kuya Pulong, kasama ang kapwa mambabatas na si Benguet Congressman Eric Yap, ng bill sa Kongreso na ang layunin ay maitaas ang legal na edad ng pag-inom at pagbili ng mga nakalalasing na inumin. Mula sa kasalukuyang minimum legal drinking age na 18, ang aming panukala ay maitaas ito sa edad na 21. Ito ay para mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga kabataan at mailigtas rin sila sa mga sakuna at iba pang masamang pangyayari na bunga ng paglalasing.

Sa ilalim ng aming House Bill 1753, ipagbabawal ang pag-inom at pagbili ng nakalalasing na inumin ng mga may edad 20 pababa. Kahit na 21 years old at pataas, kung hindi naman kayang pangalagaan ang sarili mula sa “abuse, neglect, cruelty, exploitation or discrimination” dahil sa “physical or mental disability,” bawal din ang pag-inom at pagbili ng nakalalasing na inumin.

Bawal magbenta sa mga ito ang mga bar, club, tindahan at iba pang establisyamentong may lisensyang magbenta ng alak.

May mga parusa tulad ng pagbayad ng multa, pagkakulong at pagbawi ng lisensya sa pagbebenta ng alak sa mga establisyamentong lalabag sa mga probisyon ng bill kung ito ay batas na.

Maging ang mga opisyal ng gobyerno na nahuling hindi pinapatupad ang mga probisyon sa panukalang batas ay may karampatang parusa rin na nakasaad sa bill.

Kapag ang bawal namang uminom at bumili ang nahuli, sila ay sasailalim sa counseling o pagpapayo ng Barangay Council for the Protection of Children kung ito ay kanilang unang offense. Counseling pa rin kasama ang mga magulang kapag second offense. Kapag third offense o higit pa, sila ay dadalihin na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para doon na mapagpayuhan at mapagpasyahan kung ano ang gagawin sa kanila.

Ang pagtataas ng minimum legal drinking age sa edad na 21 ay hindi kapritso lang o bagong panukala. Sa Estados Unidos ay 21 rin ang legal na edad na puedeng uminom at bumili ng alak. Sa Malaysia at Indonesia ay ganun din.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang labis na pag-inom ng alak ang pangatlong sanhi ng mahinang kalusugan at dahilan ng pagkamatay ng mga 2.4 milyong katao kada taon. Marami dito ay mga kabataan.

Lumalaking problema na ang sobrang paglalasing sa mga kabataan. Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), nauuwi sa pagiging alcoholic ang maagang pagkasanay sa pag-inom ng alak. Sinabi rin ng CDC na sa Estadoe Unidos, ang sobrang paglalasing ay isa sa mga dahilan ng pagkamatay ng mahigit 3,900 na kataong edad 21 pababa kada taon.

Huwag na nating hintaying ganito rin ang mangyari sa ating bansa.

Ang ating bansa ay isa sa pumirma at sumang-ayon sa resolusyon ng WHO—ang Global Strategy to Reduce the Harmful Use of Alcohol na ang layunin ay mabawasan ang nakakapinsalang pag-inom ng alak at iba pang nakalalasing na inumin.

Ilan yan sa mga matibay na dahilan kung bakit kailangang gawing 21 years old ang legal na edad ng pag-inom at pagbili ng alak. Maraming buhay ang maililigtas natin kung ito ay maisasabatas na.