WebClick Tracer

Sunday, October 2, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
SPORTS

Gonzaga, Army bokya sa Taipei

PINASAKIT ng bisitang KingWhale Taipei ang ulo nina Jovelyn Gonzaga at buong Army-Black Mamba matapos silang ilampaso sa tatlong set 26-24, 25-18, 26-24 sa kanilang sagupaan sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference single round semifinals sa Mall of Asia (MOA) Arena Lunes ng hapon.

Si Liao Yee Jen ang itinanghal na Best Player of the Game para sa KingWhale sa ipinamahaging 22 excellent sets para na siyang sumira sa laro nina Gonzaga at mga kakampi sa Black Mamba.

Ito ang unang laro ng Taipei sa nasabing liga bilang bisita at agad na itong nanagasa.

Ang Taipei squad ang tanging koponan na nagpaunlak sa imbitasyon dahil umatras ang Kobe Shinwa ng Japan sanhi ng safety at health protocols.

Laglag na sa kontensiyon ang Lady Troopers dahil sa kanilang 0-4 record matapos ang nasabing pagkatalo.

Pinilit ng Army-Black Mamba na isalba ang panalo para sa koponan ngunit sadyang kinulang ang mga set nito.

Tumapos ng ikalimang puwesto ang Lady Troopers sa nasabing kumprensya, ngunit ito ang pinakamagandang pagtatapos nila kumpara noong nakaraang taon kung saan pumuwesto lamang sila ng ikapito.

Bago ang naturang pagkabigo, nakatikim din ng talo ang Army-Black Mamba kontra Cignal noong nakaraang Sabado, 22-25, 25-27, 25-21, 25-19, 15-12.

Sunod na makakasagupa ng KingWhale ang PLDT ngayong alas-4 ng hapon sa MOA Arena rin. (Annie Abad)