WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

3 bodyguard sabit sa slay case ng dating vice mayor

Kinasuhan ng murder sa San Pablo City Prosecutor’s Office ang tatlong dating bodyguard ni dating Dolores, Quezon Vice Mayor Danilo Amat matapos silang masapol sa CCTV na siyang nanambang at bumaril sa dating opisyal sa nasabing lungsod noong nakaraang buwan.

Tinukoy ni San Pablo City Police chief Col. Joewei Lucas ang mga ito na sina William Panganiban, 51; Orlando Ragudo, 43, at Rolando Risona, 44.

Sina Ragudo at Risona ang itinuturong gunman samantalang si Panganiban ang driver ng sinakyang kotse ng mga ito sa pananambang kay Amat.

Ang mga suspek ay dating mga bodyguad ni Amat at positibo silang kinilala ng anim na nakasaksi sa krimen, gayundin ng mga kaanak ng biktima base sa kuha ng CCTV sa lugar ng krimen.

Ayon kay Lucas, sinisilip ng binuo nilang special investigation team ang anggulong politika at matagal ng alitan bilang motibo ng krimen.

Kinumpirma ni Lucas na mayroon na silang suspek sa mastermind pero nangangalap pa sila ng mga impormasyon at ebidensya para mapalakas ang kaso laban dito.

Bumabagtas si Amat sa kahabaan ng Seven Street sa Barangay San Francisco, San Pablo City nang tambangan at pagbabarilin siya ng mga suspek noong Hulyo 22. (Ronilo Dagos)