WebClick Tracer

Wednesday, December 7, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Permanenteng evacuation centers nationwide napapanahon na

Sa pinakahuling ulat, nasa sampu katao ang namatay, mahigit 320 ang sugatan at 228,238 indibidwal o 62,024 pamilya mula sa 996 na barangays ang naapektuhan ng magnitude 7.0 na lindol nitong nagdaang July 27, araw ng Miyerkoles. Kabilang na rito ang mahigit 8,000 na pamilya na nailikas sa 42 evacuation centers at iba pang mga pwedeng pansamantalang tuluyan ng ating mga kababayan.

Tayo po ay nakikidalamhati sa mga naging biktima ng napakalakas na lindol na ito na tumama sa Northern Luzon partikular sa Abra. Sa mga ganitong pangyayari ay mas lalo nating nakikita na kailangang laging handa ang ating gobyerno, lalo na ang pagkakaroon ng mga evacuation center para sa mga inililikas nating kababayan.

Hindi na bago sa Pilipinas ang pagkakaroon ng mga lindol dahil ang lokasyon po natin ay sakop ng tinatawag na Pacific Ring of Fire. Kaya prone ang ating bansa sa mga lindol at volcanic eruption na idinudulot ng paggalaw ng mga tectonic plates. Nasa sentro rin po tayo ng typhoon belt kaya madalas tayong dinadaanan ng mga bagyo na nagdudulot ng baha at pagguho ng lupa.

At tuwing nakakaranas tayo ng matitinding kalamidad, lalo naman nating nararamdaman na kailangang may matinding paghahanda ang ating pamahalaan. Sa dami ng pinagdaanan nating trahedyang dulot ng iba’t ibang kalamidad, napapanahon talaga na magkaroon tayo ng disaster-resilient, fully-equipped evacuation centers nationwide.

Kaya nga noon pa po natin isinusulong ang ganitong mungkahi dahil noong Setyembre 2018 matapos ang pananalasa ng supertyphoon “Ompong” na pumatay ng 65 katao at nagpalugmok sa 100,000 nating kababayan ay nagsabi na tayo para magkapagtayo ng permanent evacuation facilities. Inulit ko ang mungkahing ito noong 2020 matapos namang magsilikas ang may 50 libong residente ng Cavite at Batangas dahil sa pagsabog at pag-aalboroto ng Taal Volcano. At ngayon ay muli ko itong ipaglalaban sa Kongreso.

At nito ngang mangyari ang lindol ay agad inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para bigyan ng pinansyal na tulong at pagkain ang mga inilikas. Kanya ring iniutos ang pamamahagi ng mga tarpaulin para magamit bilang temporary shelter.

Pero hindi naman uubra na laging temporary o pansamantala lamang ang ginagamit nating evacuation centers. Hindi na rin maganda na lagi nating inaabala ang mga eskuwelahan para doon isiksik ang mga kababayan nating nasalanta. Kailangan natin ay permanente na dahil paulit-ulit na lamang ang problema.

Kaya po muli nating isinusulong sa Kongreso ang pagtatatag ng mga fully-equipped, fully-operational evacuation center hindi lamang sa Abra at sa mga naapektuhan ng nagdaang malakas na lindol kundi sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Naniniwala po ang inyong lingkod at ang mga kababayan kong kongresista na sina Representatives Miguel Luis Villafuerte at Tsuyoshi Anthony Horibata at Bicol Saro Rep. Nicolas Enciso VIII na maraming kababayan nating laging nasasalanta ng mga kalamidad ang makikinabang nang husto kung magkakaroon tayo ng mga permanenteng evacuation center.

Sa pamamagitan ng House Bill (HB) No. 1091 na aming isinumite sa Kamara agad mabibigyan ng mabilisang akomodasyon ang mga inililikas nating kababayan kapag may emergency tulad ng lindol, bagyo, baha, storm surge, tagtuyot, at iba pang severe climate disturbances; sunog, o kaya’y disease outbreaks na nagbabadya ng panganib.

Kung magiging batas ang aming panukalang ito, bawat lungsod at munisipalidad ay magtatayo ng mga permanenting evacuation center kung saan mabibigyan ng ligtas, well-ventilated, comfortable private spaces ang mga kababayan natin kapag may sakuna. Ang mga evacuation center na ito ay titiyaking maayos ang pagkakagawa at matibay kahit dumaan pa ang mga super bagyo at lindol na nasa 8.0 magnitude. Titiyakin natin ang mga evacuation centers na ito ay susunod sa itinatakda ng National Building Code of the Philippines at talagang maikukumpara sa standard na itinatakda ng International Building Code.

Alam nating sinumang bansa ay walang kakayanang pigilan, harangan at kontrolin ang epekto ng mga kalamidad na ito pero dapat may kakayanan ang gobyerno na maghanda para sa kaligtasan ng sambayanan. Sa pamamagitan ng kahandaang ito, alam na agad ng mga kababayan natin kung saan sila sisilong kapag may kalamidad at higit sa lahat, alam nila na protektado sila sa mga evacuation center na ito.

Sa ganitong paraan, maipaparamdam ng pamahalaan sa mamamayan at sa lahat na mayroon silang tatakbuhan, mayroong aasahan kapag panahon ng mga sakuna. Hindi man natin mapigilan ang isang kalamidad, mababawas naman ang epektong idinudulot nito sa buhay ng mga kababayan natin.

At ako po ay umaasa, sa tulong at suporta ni PBBM at ni Speaker Martin Romualdez na parehomg may pusong pang masa, na ang ating panukalang evacuation center bill ay maisakatupran para sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on