WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

P1.6B Infra wasak sa Luzon quake

Pumalo na sa halos P1.6 Bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura na winasak ng malakas na lindol sa Northern Luzon noong Hulyo 27.

Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naitala sa P1,593,861,827.11 ang halaga ng kabuuang 1,519 nawasak na imprastraktura sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).

Nangunguna ang CAR sa 770 na nawasak ditong imprastrakura na nagkakahalaga ng P837,813,455.30; sumunod ang Ilocos Region na may nasirang 597 at nagkakahalaga ng P724,019,209; at Cagayan Valley na may 131 napinsalang imprastraktura na umaabot sa P32,029,162.81 ang danyos.

Apektado rin ng magnitude 7 na lindol ang 35,327 kabahayan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, CAR at maging sa National Capital Region (NCR) kung saan ang 34,699 dito ay nagtamo ng mga sira habang 628 ang lubusang nawasak.

Umaabot naman sa 136,612 pamilya o 502,462 katao ang naapektuhan mula sa 1,329 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley at CAR. Sa kasalukuyan, may 368 pamilya o 1,310 katao ang nanunuluyan pa sa 20 evacuation center habang nakikituloy sa kanilang mga kaanak at kaibigan ang 14,401 pamilya o 52,028 indibidwal.

Samantala, nagtala naman ng P33,227,895 ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa CAR habang P22,700,000 naman ang danyos ng lindol sa National Irrigation Administration (NIA).