WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Madali lang naman

Sisiw. Kayang-kaya. Hindi mahihirapan. Madali lang.

Madalas maging viral sa social media ang mga kuwentong ‘madali lang’. Ano ito? Ito iyong mga magpapagawa sa isang tao na kilala niyang eksperto na kapag nagsabi ng presyo na hinihingi ng gawain, ayaw na. Sasabihin, ‘madali lang naman, bakit ang mahal maningil?’ Mabilis lang naman daw magagawa.

Halimbawa iyong magpapagawa ng logo o kaya magpapa-layout ng kung anong poster o imbitasyon. Magpapakuha ng larawan o magpapagawa ng cake para sa isang selebrasyon. May pakakantahin. O iimbitahang sumayaw. May magpapakumpuni ng sirang gadget o magpapagawa ng muwebles. Bago simulan, siyempre, kailangan munang presyuhan ang katumbas ng trabaho. Mabibigla ang magpapagawa, sasabihin, ‘ang mahal, e madali lang naman’.

Sasagot naman ang nagpresyo, ‘kung palagay mo ay madali lang naman, bakit hindi ikaw ang gumawa?’ Na hindi siyempre magagawa kahit pa mistulang ‘madali lang’ dahil hindi naman niya alam.

Karamihan kasi sa atin, binibilang ang oras at sandali kung kailan kayang tapusin ng eksperto ang isang gawain. At dahil eksperto na, nagagawa na nang mabilis. Kaya mukhang madali lang sa iba. Mahal ang bayad sa isang gawaing mabilis na matapos.

Madalas ko rin itong naririnig sa gawain ko bilang manunulat. Madali lang naman daw dahil nakaharap lang sa laptop. Tumitipa lang, titinga-tingala. Walang kapagod-pagod. Madali lang ang trabaho lalo’t kaya kong tapusin nang ilang oras o araw ang gawain na sa isang hindi masyadong sanay, baka ilang linggo o buwan na.

Ang nakikita na lang kasi ay iyong mismong sandali na mukhang madali na naming nagagawa ang isang gawain. Ganito ako kapag nanonood ng palabas ng isang nagluluto sa internet man o telebisyon. Parang ang dali. Mukhang madali pero, sa sulok ng isip ko, hindi. Kaya lang mukhang madali dahil sinanay na nang matagal na panahon ang chef.

Ganito rin sa basketball o kahit anong mataas na antas na palaro. Kapag pinapanood ang galaw ng atleta, mukha namang kayang-kaya. Iyong mga kilos, iyong iwas, iyong bali ng katawan, iyong liksi. Pero kapag sinimulan mo nang gawin, sa simula pa lang, alam mong hindi madali.

Naniniwala akong bawat isa ay may kakayahang maging magaling sa kung anong pipiliin niyang gawain. Mayroon nga lang iba sa atin na ang gawaing kaniyang pinili ang siya mismong nagbibigay ng kabuhayan: magmaneho, magsulat, magluto, magturo, magsayaw, umarte. Kung binabayaran lang ang magmarites, alam kong maraming yayaman.

Sabi nga, sana lang magbigay sa iyo ng kabuhayan ang isang gawaing gustong-gusto mo. Kaya hangang-hanga ako sa mga atleta, mga nagsasayaw o kumakanta o umaarte. O kahit anong gawaing damang-dama ko na gustong-
gusto nila ang ginagawa. Tapos babayaran pa sila nang mahal. Buhay nga naman.

Kaya naman, sa tuwing makakakita tayo ng mistulang madaling gawain, pakaisipin. Gaano katagal niyang ginawa ang gawaing iyon bago gumaling? Ilang beses siyang nabigo? Nasaktan? Halos sukuan bago magpatuloy hanggang maging magaling, hanggang masabihan na ‘bakit ang mahal, e madali lang naman iyan’?

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes