WebClick Tracer

Sunday, January 29, 2023

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Benepisyo para sa mga barangay official

Sa ating bansa, ang barangay ang siyang unang tumutugon sa mga pangangailangan ng ating mga komunidad. Ang mga barangay officials ang siyang tinuturing na mga “frontliners” sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan at unang rumeresponde kapag may kalamidad o krisis.

Noong kasagsagan ng pandemya, ang mga barangay officials ang siyang naging katuwang ng inyong Kuya Pulong sa paghahatid ng mga face masks, food packs at iba pang tulong sa ating mga kababayan sa Unang Distrito ng Davao City. Ito ay bukod pa sa iba pa nilang gawain bilang mga frontliners laban sa COVID-19. Sila rin ang kasama ng staff sa aking tanggapan kapag namamahagi ng bigas at cash aid sa mga biktima ng sunog, mga nawalan ng trabaho o mga nasalanta ng kalamidad.

Alam ko ang marami at mabibigat na responsibilidad na nakaatang sa balikat ng mga nagtatrabaho sa barangay dahil ang inyong Kuya Pulong ay naging barangay chairman noon ng Catalunan Grande sa Davao City. Naging presidente rin ako ng Association of Barangay Captains (ABC) at National Vice President for Mindanao ng Liga ng mga Barangay.

Nang ako ay nagsilbing barangay chairman, tinatag ko ang Pulong-Pulong ni Pulong program para mahikayat ang mga kapwa ko barangay officials na mas maging aktibo sa paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad. Hinikayat ko rin sila na magkaroon ng boses para maiparating sa gobyerno ang mga mahahalagang proyekto na kailangang ipatupad sa kanilang mga nasasakupang barangay.

Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga barangay officials pero hanggang ngayon ay hindi sila tinuturing man lang na mga regular na empleyado ng gobyerno. Ang mga Punong Barangay, mga miyembro ng Sangguniang Barangay, Barangay Secretary at Barangay Treasurer ay walang mga regular na sweldo o mga benepisyo na natatanggap. Allowance o honorarium lang ang nagsisilbing sahod nila mula sa gobyerno.
v
Dapat ng mabago ang ganito nilang katayuan. Kaya kami ni Benguet Congressman Eric Yap at iba pa nating kapwa mambabatas ay nag-file ng bill para mabigyan ng fixed o permanenteng sahod at mga benepisyo ang mga barangay officials.

Kasama rin natin ang mga kinatawan sa Kongreso ng ACT-CIS Party-list na sina Edvic Yap, Jocelyn Tulfo at Jeffrey Soriano sa paghahain ng panukalang batas natin na ang layunin din ay gawing mga regular na empleyado ng gobyerno ang mga barangay officials.

Bukod sa pagbibigay sa kanila ng fixed salary tulad ng ibang kawani ng gobyerno, ang ating panukalang “Barangay Officials’ Salaries and Insurance Act” ay sinusulong din ang pagiging miyembro ng mga barangay officials ng Government Service Insurance System (GSIS), PhilHealth, at Pag-Ibig. Sa ganitong paraan, mabibigyan sila ng mga benepisyo na hatid ng mga ahensyang ito tulad ng salary loan, housing loan, health insurance at pensyon.

Panahon na para pahalagahan natin ang mga opisyal sa barangay bilang mga frontliners sa paghahatid ng serbisyo publiko. Ang pinakamabuting paraan para sila ay bigyang pugay ay sa pamamagitan ng pagkilala sa kanila bilang mga regular na kawani ng gobyerno na may karapatang magkaroon ng maayos na sahod at mga benepisyo.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on