WebClick Tracer

Monday, October 3, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
ENTERTAINMENT

‘Di kita kakalimutan habangbuhay’: Coco ‘di makapaniwala sa pagpanaw ni Susan

Hindi makapaniwala si Coco Martin, na ang susunod na pagkikita nila ni Susan Roces, o Lola Flora, ay nasa loob na ito ng kabaong. Halos pitong taon nga niyang nakasama si Miss Susan sa taping ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ na nalimitahan lang noong nagsimula na ang mga lockdown dahil sa pandemya.

At sa burol ni Miss Susan, nagsalita nga si Coco, at lalo nga siyang nagkandautal-utal dahil hindi niya alam ang mararamdaman, sasabihin niya.

“Honestly hindi ko talaga alam ang sasabihin ko ngayon.

“Talang shock ang nararamdaman ko kasi hindi ako makapaniwala na mangyayari ito dahil alalang-alala ko ‘yung huling pagkikita namin ni Tita Susan na ang lakas-lakas at ang saya-saya niya.

“Si Tita Susan hindi katrabaho lang ang tingin ko sa kanya. Malalim ‘yung pagtingin, pagmamahalan at respeto namin sa bawat isa.

“Lahat po ng sinasabi niya dinidibdib namin kasi para po sa aming mga katrabaho niya at ako bilang apo niya sa industriya. ‘Yung word of wisdom na sinasabi niya sa amin ay totoong tumatatak sa isip at puso naming lahat.

“Napakapalad namin na nakatrabaho namin siya dahil alam na niya lahat, pinagdaanan na niya ‘yan.

“La (Lola) kung nasaan ka man po ngayon, gusto ko pong malaman mo na lahat kami na nandito ay sobrang mahal na mahal ka at hinding-hindi ka po naming makakalimutan habangbuhay. I love you,” sabi pa ni Coco na maluha-luha.

Makikita rin si Sharon Cuneta sa tabi ni Coco na panay ang luha. Naging malapit din si Sharon kay Miss Susan, dahil nagkasama sila sa pelikula, at nakasama rin niya sa pelikula ang namayapang si Fernando Poe, Jr. (Dondon Sermino)